Advertisers
INIHAYAG ni Philippine National Police (PNP) Chief, General Nicolas Torre III, na may hawak na silang impormasyon sa kinaroroonan ni dating Bureau of Correction chief Colonel Gerald Bantag, na nahaharap sa kasong murder sa umano’y pagpatay sa mamamahayag na si Percival “Percy Lapid” Mabasa noong 2022.
Ayon kay Torre, walang rekord na lumabas ng bansa si Bantag, at patuloy ang intelligence operations para siya’y maaresto.
Bukod kay Bantag, target din ng PNP ang iba pang kilalang pugante tulad nina Atty. Harry Roque, dating tagapagsalita ni dating Pangulo Rody Duterte, dahil sa kasong trafficking; at Rafael Dumlao III, dating Police Lieutenant Colonel na wanted naman sa pagpatay sa isang negosyanteng Koreano.
Giit ni Torre, ginagamit nila ang intelihensiya at puwersa sa paghuli ng high-profile na mga personalidad kung kinakailangan.
Pinanindigan din ni Torre ang pag-aresto kay Duterte noong siya ay hepe ng CIDG, bago ito dinala sa The Hague upang harapin ang kasong ‘crimes against humanity’ kaugnay ng mga pagpatay sa ‘war on drugs’ ng nakaraang administrasyon.
Si Torre din ang umaresto sa dating “untouchable” na nagsabing siya’y “Son God” na si Pastor Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).