Advertisers
PINAWALANG-SALA ng isang korte sa Maynila si Police Colonel Hansel Marantan at 11 iba pang pulis sa mga kasong nag-ugat sa pagkakapatay sa 13 na katao sa Atimonan, Quezon noong Enero 2013.
Si Marantan ay kasalukuyang direktor ng Davao City Police.
Sa desisyon ng Manila Regional Trial Court Branch 27, sinabi na may basehan na pagtupad lamang sa tungkulin at pagdepensa narin sa kanilang sarili ang ginawa nina Marantan.
Binigyan-diin ng korte na may impormasyon na armado ang mga sakay ng dalawang sports utility vehicles (SUVs) at unang nasugatan si Marantan sa engkwentro sa Maharlika Highway.
Una narin nilagpasan ng mga nasawi ang unang police checkpoint bago sila sinubukang pahintuin nina Marantan.
Kabilang sa mga napatay sa pagkasa ng “Coplan: Armado” ay isang Victor Siman, na unang isinalarawan ng mga awtoridad na jueteng lord.
Binansagan na “Atimonan massacre” ang insidente.
Samantala, labis na pagkadismaya ang nararamdaman ng pamilya sa pagpapawalang-sala sa mga akusado makalipas ang mahigit isang dekada ng paghingi nila ng hustisya.
Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Maria Bella Lontok Evangelista, kapatid ng biktimang si Tirso “Jun” Lontok, na muling nagdalamhati ang kanilang pamilya sa desisyon.
Aniya, ipinapakita nito ang kawalang-katarungan sa sistema ng hustisya sa bansa.
Para sa kanila, naging mailap ang hustisya ng tao matapos ang mahabang paghihintay.
Dahil dito, idineklara nilang hindi na sila mananawagan sa anumang ahensya ng pamahalaan at sa halip sa Diyos na lamang umaasa para sa katarungan ng kanilang mahal sa buhay.
Si Lonto, mula sa Dolores, Quezon, ay kilalang environmentalist noong nabubuhay pa at isa sa mga namumuno sa pagbababantay ng Bundok Banahaw.