Advertisers
Habang hinihintay na lamang umano ang pirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Konektadong Pinoy Bill para maging isang ganap na batas, nagpahayag ng pagkabahala ang ilang eksperto at organisasyon mula sa sektor ng cybersecurity at digital infrastructure sa ilang probisyon ng panukala, na anila’y maaaring magdulot ng malawakang banta sa national security kung hindi agad maaaksyunan.
Sa isang joint statement na pirmado ng limang kinatawan ng pribadong sektor at civil society groups, nanawagan ang mga ito ng agarang aksyon upang anila’y isama sa mismong batas ang mga kinakailangang cybersecurity safeguards.
Giit ng grupo, bagama’t sinusuportahan nila ang layunin ng panukala na palawakin ang internet access sa bansa, may ilang bahagi anila ng batas na maaaring “hindi sinasadyang magbukas ng pintuan para sa mga hacker, scammer, at posibleng state-sponsored actors.”
Kabilang naman sa mga lumagda sa joint statement sina Mel Migriño ng Women in Security Alliance Philippines (WiSAP), Jocel De Guzman ng Scam Watch Pilipinas, George Pineda ng BPO Security Council, Frederick Blancas ng PhilDev S&T Foundation, at Apol Salud ng Philippines CIO Association. (Gilbert Perdez)