Advertisers
ISINUSULONG ni Senador Panfilo “Ping” Lacson panukala kaugnay sa mga anak na magtatangkang abandonahin o pabayaan ang kanilang elderly parents o magulang sa kanilang pagtanda.
Ito ay tatawaging “Parents Welfare Act of 2025” para tiyakin na hindi iiwanan ng mga anak ang kanilang may edad na magulang sa kanilang oras ng pangangailangan.
Layunin ng panukala – na ihinain na rin ni Lacson sa nakaraang mga Kongreso – na parusahan ang mga hindi magbibigay ng suporta na kailangan ng kanilang mga magulang.
“We, Filipinos, are well-known for our close family ties. Because of this, it is not surprising that we have the usual inclination to care for our elderly. However, even with this close family ties, there are cases of elderly, sick, and incapacitated parents who were abandoned by their own children. Nowadays, the sights of abandoned elderly in our streets become typical. Children fail to provide the necessary support to their aging, sick and incapacitated parents. This happens despite our moral and natural obligation to maintain our parents who are in need of support,” pahayag ni Lacson.
“This proposed bill therefore seeks to further strengthen filial responsibility and to make it a criminal offense in case of flagrant violation thereof. Abandonment of a parent in need of support shall likewise constitute a criminal act,” ayon pa kay Lacson.
Ipinunto ni Lacson na bagama’t klaro sa ating Family Code ang obligasyon para suportahan ang magulang, maraming may edad na magulang na hindi na kayang suportahan ang sarili ang iniiwanan ng kanilang mga anak.
Dagdag niya, sa Estados Unidos, may 30 estado na may batas sa filial responsibility.
Sa panukala ni Lacson, ang magulang na nangangailangan ng suporta ay maaaring maghain ng petition for support sa korte para maglabas ng support order sa mga anak na hindi nagbigay ng suporta.
Maaari silang tulungan ng Public Attorney’s Office, at hindi na nila kailangang magbayad ng court fee.
Bago dinggin ang petisyon, dadaan ang kaso sa conciliation officer..
Sa panukala, maglalabas ang korte ng support order na nag-uutos sa anak na suportahan ang magulang. Nabatid na Korte Suprema lamang ang maaaring maglabas ng utos para pigilan ang pagpapatupad nito.
Ang mga anak na hindi makasunod sa support order ay maaaring patawan ng levy. Kung hindi sila sumunod sa utos ng tatlong sunud-sunod na buwan na walang dahilan, maaari silang ikulong ng isa hanggang anim na buwan, at multahan ng P100,000.
Ang inatasang mag-alaga sa magulang at iiwanan sila ay makukulong ng anim hanggang 10 taon, at mumultahan ng P300,000.
Sa ilalim din ng panukala ni Lacson, magtatayo ng “Old Age Home” para sa may edad at maysakit ang bawa’t probinsya at highly urbanized city. Bawa’t isa sa mga Old Age Home ay maaaring mag-accommodate ng hindi bababa sa 50 na magulang.
“While government is doing its best in providing support in the form of food and shelter as well as enacting legislations like the Senior Citizens Act, it cannot be over-emphasized that taking care of the elderly members of the society is not only the function of government, but rather it is a shared responsibility of government and the children of said elderly. The care for the aged is neither an exclusively private matter to be left to the family nor an exclusively public concern best left to the government,” pagtatapos ni Lacson. (Mylene Alfonso)