Advertisers
INIHAYAG ng Supreme Court (SC) nitong Miyerkoles na isang court sheriff ang tinanggal sa serbisyo nang mapatunayang tumanggap ng P200,000 suhol kaugnay ng isang kasong may kinalaman sa droga.
Kinilala ang court sheriff na si Dwight Aldwin Geronimo, Sheriff IV ng Regional Trial Court Branch 121 sa Imus, Cavite.
Ayon sa reklamo ni Antolyn Dones Gonzales, humingi si Geronimo ng pera kapalit ng tulong sa kaso ng kaibigan niyang si Monib Amatonding, at sinabing tita niya ang huwes na humahawak ng kaso.
Naibigay ni Gonzales ang P115,000 bilang paunang bayad pero hindi na pinayagang makapagpiyansa si Amatonding, bigla nalang nawala si Geronimo at hindi na makontak.
Depensa ni Geronimo, una niyang sinabi na personal na utang ang pera at sinabing nagkunwari lang siya para mabisto ang umano’y katiwalian sa korte.
Hindi naman tinanggap ng SC ang paliwanag niya dahil sa malinaw na kaugnayan nito sa paghahatid.
Pinatawan ng Korte Suprema si Geronimo ng parusa kabilang ang pagpapatalsik, pagbawi ng lahat ng serbisyo sa pagreretiro at permanenteng pagbabawal sa trabaho sa gobyerno. (J. Domenden)