Advertisers
KUKUWESTIYUNIN ng Department of Justice (DOJ) ang pansamantalang paglaya ng mga akusado sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Iginiit ni Chief State Prosecutor Richard Anthony Fadullon na hindi dapat pinagkaloob ng San Pablo, Laguna at Manila Regional Trial Courts na makapagpiyansa ang mga akusado.
“Ang posisyon ng kagawaran ay nasa kabila ng remedyo na nagamit ng akusado, na iniaangat ang usapin sa Korte Suprema, ang desisyon na nakatayo, tulad ng ngayon, ang piyansa ay hindi dapat pinagbigyan, kaya’t ang lahat ng mga akusado ay dapat arestuhin,” ani Fadullon.
Magugunita na ang ilang akusado kabilang ang tatlong pulis at ang whistleblower na si Julie Patidongan alyas “Totoy” ay pansamantalang nakalaya matapos maaprubahan ng korte ang kanilang piyansa sa dalawang hiwalay na kaso.
Nakabinbin sa Manila RTC ang apela ng DOJ na mapawalang-bisa ang ipinagkaloob na piyansa kay Patidongan at sa limang iba pa kaugnay sa pagkakasangkot ng mga ito sa nangyari sa Manila Arena, habang naghahain muli ang DOJ ng ‘motion for reconsideration’ sa inaprubahan na piyansa ng Laguna RTC sa isang akusado.
“Tiyak na maghahain ang departamento ng motion for reconsideration at isasaalang-alang ang iba pang mga opsyon pagkatapos nito,” dagdag ni Fadullon.
Iginiit din ni Fadullon na kahit pa si Patidongan, na akusado at tumatayong testigo ngayon ay maituturing paring akusado sa kaso. “Siya ay isang akusado parin sa kaso.”