Advertisers
Tiyak si Tata Selo na magkakaroon ng return bout sina Manny Pacquiao at Mario Barrios ng Mexico dahil sa resulting tabla. Dalawang huwes ay parehong 114-114 ang scorecad at yung ikatlo ay 115-113 pabor sa Mehikano.
Ayon sa pambansang kamao ay inakala niyang siya ang panalo noong Linggo sa Las Vegas.
Bumilib naman si Barrios sa lakas ng 46 anos na Pinoy boxer. May ibubuga pa ang asawa ni Jinkee sa ibabaw ng ring kahit apat na taon siyang walang laban. Talo pa kamo ang huli niyang fight. Bigo ang anak ni Aling Dionesia kay Yordonis Ugas taong 2021.
Dalawang linggo pa lang na sanggol ang WBC welterweight champ nang magsimula sa boxing noong 1995 si Manny..
Malamang nga sa isang taon ay magiging realidad yan. Oo kahit sinabi pa ni Sean Gibbons, presidente ng MP Promotion na iba gusto niyang makaharap ng dating senador.
***
Alam nyo ba ng isang icon sa football sa Espana ay ipinanganak sa Iloilo.
Opo si Paulino Alcantara na tinaguriang El Rompe Redes ay naglaro bilang Pilipino at Kastila.. Una noong 1917 para sa Pilipinas sa Far Eastern Games pagkatapos ay sa Espana na.
Ang ama niya ay Kastilaloy at ang ina nama’ y meztisa.
Prolific scorer siya. May 395 na goal sa loob ng 399 na game.. Pagkaretiro ay naging doktor at nang bumalik sa laro ay naging coach at opisyal.
Noong 2007 ay pormal siyang kinilalang ng FIFA na isa sa pinakamahusay na striker ng 20th century. Itinuring din siyang best player na Asiano.
***
Lumalabo ang pag-asa ng TNT na maka-grandslam ngayong season. 1-3 na sila sa Finals vs SMB ng Philippine Cup, huling conference na dapat makuha nila para sa triple crown na inaasam..
Yung unang laro kung saan sila nanalo ay nabalot pa ng kontrobersya. Yung tatlong olat nila naman ay convincing ang W ng Beermen.
Hirap sila sa match-up lalo pa’t may mga injury mga key player nila gaya ng sentrong si Poy Erram.
Mukhang mauulit ang kasaysayan. Ganito kasi nangyari noong 2011 nang pinigilan ng San Miguel bilang Petron ang Tropa sa 3rd conference para maunsyami ang grandslam.