Advertisers

Advertisers

Totoong Serbisyong Isko sa Mamamayang Manilenyo (Part 2)

0 78

Advertisers

BAHA, mainstay na ‘yan sa Maynila, e pero hindi gaanong nagtatagal, di tulad sa ibang lungsod sa Metro Manila – at ang dahilan.

May gobyerno sa cityhall, ‘yung Yorme roon, hindi nag-uutos lamang sa de-aircon na opisina niya – siya mismo, lumulusong sa baha – ang alkalde, kasama sa nagkakalkal at nag-aalis ng dumi, kalat at basurang bumabara sa kanal at imburnal.

Oo, tama ang kantyaw ng iba, si Isko Moreno raw ay pabida, maingay, magalaw, kung minsan, pigil ang sarili, paimpit na sumisigaw.

Mahigit lamang dalawang buwan sa cityhall, mabilis na nakikita na ang pagbabago – sa estilo ni Yorme na Iskong mabilis, Morenong maliksi versus krisis.

Kantyaw ng mga kritiko niya, maingay raw, pabida si Yorme Isko, e sa ito ang estilo niya, pero ang tingnan, ang resulta, ang mabuting ganansiya, at pakinabang sa taumbayan, sa mamamayang Manilenyo, at tama lang, kailangan natin ng lider na tulad niya: makilos, mabilis gumawa at maliksing umaksiyon, maaraw, maulan, mabagyo man o maaliwalas na panahon.

Kailangan ng Manilenyo ng alkaldeng nakikita, hindi nagpapalaki ng kuwan sa ilalim ng salawal.

Gusto ng publiko yung pag may nakitang palpak, agad nag-iisip at gumagawa agad ng solusyon.

E, yung iba riyan, ma-PR lamang, puro lang pangako, madalas naman, pangakong malalim ang pagkabaon ng pako.

Unti-unti, nakababangon na ang Maynila, yung dugyot sa mata, maaliwalas na; yung amoy-bulok, magaan nang makasisinghot, mala-mabangong sampagita.

Yung kalyeng sala-salabat ang mga nakasampay na kawad at panganib sa buhay at ari-arian, maayos na, at ang Maynila, maaari nang maipagmalaki uli.

Unti-unti, gumagalaw na ang kabuhayan; nagbabalik na ang tiwala ng mga negosyante, kasi, may gobyernong Isko Moreno na ayaw sa katiwalian, mas gusto ng cityhall ay tiwalang magbibigay ng gaan sa mga rekisitos ng pagtatayo at pamamahala ng kabuhayan.

Yung pananalapi, naaayos na at nagkakalaman na, matapos na limasin ng nagdaang administrasyon, at ang mga nagnakaw sa kaban ng bayan, hindi sila makaliligtas, ang pag-uusig, ang pagsusulit sa kasalanan sa mamamayan ay matutuldukan.

Yung pabida ni Yorme, ang katumbas, serbisyong tunay sa kalusugan, edukasyon, gamot, serbisyo na deretso sa tao.

Kung noon, walang panatag sa kalye ng Maynila, ngayon, may maaasahang tagabantay laban sa mga pasaway at tolongges at mga siga-siga.

Paunti-unti, nawawala na sila sa kalye at tumitino na sila, kasi nga, kita ang kamay ng batas sa araw at gabi, nagpupuyat ang buwan upang sa umaga ay masilayan ang init ng araw na ligtas ang tao sa kanilang mga tahanan.

Yan si Mayor Isko, estilong totoong lingkod sa mamamayan.

Mapagkumbaba sa taumbayan, pero bully nga – kung iyon ang angkop na salita, laban sa mga pasaway, sa makakapal, sa mga makukupal ang mga mukha at peste sa bayan.

Mahalaga ang ingay sa pagtatrabaho, upang ang mga tutulog-tulog, ang mga batugan, ang mga pasaway at may intensiyong magnakaw ay mabigyang babala.

Kamay ng batas na hawak ni Yorme Isko ang sa kanila ay hahataw nang mainam, upang ang baluktot ay tumuwid at ang mali ay maitama.

Itong serbisyong Iskong mabilis kontra krisis; Yormeng mabait sa matuwid, ito ang Lingkod Mamamayang magbabangong muli sa Maynila – na Perlas ng Silanganan.

Tunay na Serbisyong Isko sa Mamamayang Manilenyo!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulay o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.