Mayor Vico ‘di pabor sa pagsugod ng mga raliyista sa pamilya Discaya; Ruru nominado sa Best Actor sa Urian
Advertisers
Ni ROMMEL PLACENTE
HINDI sang-ayon o pabor si Pasig City Mayor Vico Sotto sa ginawa ng mga raliyista sa pagsugod ng mga ito sa harapan ng St. Gerrard Construction ng pamilya Discaya sa Pasig City, na mula umano sa environmental group na Kalikasan, kasama ang iba pang indibidwal.
Ang ilan sa mga raliyist ay may dalang bato at putik na ibinato sa gate para ipakita ang galit nila dahil sa isyu ng diumano’y “ghost projects.”
Mapapanood din sa video na may mga nagsulat pa ng salitang “magnanakaw” sa gate ng naturang building gamit ang spray paint.
At kasunod nga niyan ang Facebook post ni Mayor Vico na mariing nanawagan na iwasan ang karahasan sa pagprotesta.
“Hindi naman ‘yung mga corrupt ang masasaktan pag bumigay ang gate, hindi rin sila ang matatamaan ng bato. Nag-aalala ako para sa mga security guard, trabahador, at raliyista mismo,” sabi niya.
Sinang-ayunan naman ni Liza Soberano ang pahayag na ito ni Mayor Vico. Sa pamamagitan ng kanyang X account, post niya,”Totally agree with this. There is a better way to get our sentiments across without creating collateral damage to the people who are just trying to make a living for their families.”
***
BONGGA si Ruru Madrid, huh! Nominado siya for Best Actor category sa darating na Gawad Urian, na gaganapin sa October 11, para sa mahusay niyang pagganap sa Green Bones.
Pero marami ang nagulat sa nominasyon ni Ruru. Kinukwestyon ng iba kung bakit daw for Best Actor category siya na-nominate, to think na ang bida raw sa nasabing pelikula ay si Dennis Trillo.
Binalikan ng mga intrigero’t intrigera ‘yung nagdaang Metro Manila FIlm Festival 2025, kung saan ay sa Best Supporting Actor na-nominate si Ruru, at nanalo siya.
Sa The 8th Eddys ay sa pareho ring kategorya nominado ang aktor, at wagi rin siya.
Sa 73rd FAMAS awards ay nominado rin ang dyowa ni Bianca Umali for Best Supporting Actor, pero this time, ay talunan siya.
Tama raw ang tatlong award-giving bodies na sa Best Supporting Actor category, at hindi sa Best Actor inilagay si Ruru.
At least alam daw ng mga ito, na supporting role lang si Ruru, at si Dennis daw ang talagang lead actor sa Green Bones.
Well, irespeto na lang sana ang naging desisyon ng Gawad Urian. Kanya-kanyang panlasa naman ang bawat award-giving body, di ba? Kung sa tingin nila, gaya ni Dennis ay bida rin sa pelikuka si Ruru, so be it.
Anyway, isa sa kalaban ni Ruru para sa Best Actor ay si Dennis.