Advertisers
DINAPIGUE, Isabela—Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paigtingin ang pagsugpo ng gobyerno laban sa ilegal na pagmimina, kabuuang walong dayuhan ang inaresto ng Bureau of Immigration (BI) sa isang operasyon noong Setyembre 23.
Sinabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na pitong Chinese national at isang Taiwanese national ang nahuli sa mining site sa Sitio Dimakawal, Barangay Bukal Norte, Dinapigue, Isabela.
Ang operasyon ay isinagawa ng BI Intelligence Division (ID) Regional Intelligence Operations Units (RIOU) sa Cordillera Administrative Region, Regions 2 at 3, at BI-ID Main Office, sa koordinasyon ng Armed Forces of the Philippines, National Bureau of Investigation–Isabela District Office, Philippine Navy, Philippine Army, Dinapigue Isabela Police Station, at government intelligence forces.
Ibinahagi ni BI Intelligence Division Chief Fortunato ‘Jun’ Manahan Jr. na ang mga pag-aresto ay nag-ugat nang makatanggap sila ng intelligence report na ang mga dayuhan ay nakikibahagi sa pagmimina ng tanso at ginto sa lugar.
Ang mga dayuhan ay inaresto dahil sa mga paglabag sa Philippine Immigration Act of 1940 dahil sa pagtatrabaho nang walang permit o visa, dahil sa pagiging undocumented, at sa paggawa sa labas ng kanilang petitioning company.
Ang pag-aresto ay kasunod ng pagsalakay kamakailan ng BI sa isa pang mining site sa Masbate, kung saan napag-alamang may 9 na ilegal na manggagawang Tsino ang nagsasagawa ng mga aktibidad sa pagmimina.
Sinabi ni Viado na ang pagsugpo sa mga dayuhang sangkot sa iligal na pagmimina ay mahalaga sa pagprotekta sa mga lokal na komunidad, pag-iingat ng likas na yaman, at pangangalaga sa pambansang seguridad mula sa panlabas na banta.
Ang walong dayuhan ay inilipat sa Maynila para sa booking, at kalaunan ay dinala sa BI’s detention facility sa Taguig, kung saan sila mananatili sa panahon ng deportation proceedings. (JOJO SADIWA/JERRY TAN)