Hope and Play: A Pod for Every Ability, binuksan para sa mga batang may espesyal na pangangailangan sa Caloocan
Advertisers
Sa hangaring palakasin ang mga benepisyong natatanggap ng mga batang may espesyal na pangangailangan kasama ang kanilang mga magulang, binuksan ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan ang Hope and Play: A Pod for Every Ability, na mag-aalok ng interbensyon at iba pang serbisyo para sa nasabing mga bata at kanilang pamilya.
Bukas ang nasabing sentro araw-araw mula Lunes hanggang Biyernes, at mag-aalok ng mga serbisyo tulad ng psychoeducational screening, mga programa sa wika, pamamahala sa pag-uugali, suporta sa pag-aaral, at maging ng mga pagsasanay para sa mga magulang at tagapag-alaga ng mga batang may espesyal na pangangailangan.
Kinilala ni City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang mga hamon ng pagpapalaki ng mga batang may espesyal na pangangailangan at idineklara na ang interes ng mga bata at mga mahihinang miyembro ng komunidad ay palaging mapoprotektahan sa ilalim ng kanyang administrasyon.
“Ang realidad ngayon, mahal ang mga gastusin kapag may anak kang may espesyal na pangangailangan, at hindi lahat ay kayang gumastos para sa therapy at iba pang pangangailangang medikal,” pahayag ni Mayor Along.
“Dito pumapasok ang Pamahalaang Lungsod ng Caloocan sa pamamagitan ng Hope and Play: A Pod for Every Ability para matiyak na ang mga batang may espesyal na pangangailangan ay mabibigyan ng kaukulang pangangalaga,” dagdag ni Mayor Malapitan.