Advertisers

Advertisers

MAYOR, MGA SB SA QUEZON INIREKLAMO SA OMBUDSMAN

0 22

Advertisers

NAHAHARAP sa kasong ‘Grave Abuse of Authority’ at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act si Mauban, Quezon Mayor Bautista Erwin Dwight Pastrana at mga miyembro ng kanyang
Sangguniang Bayan sa iligal na pagsususpinde ng labing-siyam (19) na barangay chairmen ng kanilang probinsiya.

Sa inihaing complaint, kasama ni Pastrana sa mga nakasuhan sina Vice Mayor Alween Sardea, Sangguniang Bayan (SB) members Nathaniel Calucin, Abelardo Mandrique, Michael Diasanta, Raquel Almacen, Yolanda Santayana, Juan Lorenzo Pastrana, Edgardo Astoveza, Liza Mandrique, Julieto Espinas, at Marlon Luna.

Sa panayam, matapos ihain ang kaso, sinabi ni Rodante Almacen, Barangay Chairman ng San Isidro ang pagsususpinde sa kanila nila Pastrana ay di dumaan sa tamang proseso.



“Anim na buwan pa, ang ipinataw sa amin na suspensiyon, na di dumaan sa anumang formal na hearing,” paliwanag ni Almacen.

Ang kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, aniya, ay dahil sa paggamit ng pondo ng pamahalaan para ibayad sa isang pribadong abogado na nagsampa at siyang gumawa ng reklamo laban sa kanila, dahilan upang sila ay suspindehin.



Ipinunto ng mga barangay chairmen ang Commission on Audit (COA) Circular at desisyon ng Supreme Court (SC) na nagbabawal sa mga sangay ng pamahalaan na kumuha at gumamit ng serbisyo ng private counsel o’ abogado upang irepresenta sila sa husgado.

Sa kanilang reklamo, inihayag ng mga barangay chairmen na base sa Section 65 ng Local Government Code (LGC) at sa desisyon ng SC, kinakailangang dumaan sa ‘formal hearing’ at imbestigasyon ang pagsususpinde ng mga halal ng bayan na mga opisyal ng pamahalaan, bago ito masuspinde o’ tanggalin sa puwesto.



Kanila rin sinampahan ng administrative complaint ang nasabing private counsel dahil sa “gross ignorance of the law.”

Sina Pastrana at mga local official ay sinampahan naman ng kasong graft sa pagkuha ng private lawyer gamit ang pondo ng bayan.

Inihalimbawa ng mga barangay chairmen ang kaso sa SC na Joson vs. Torres na isinasaad, “when an elective official is suspended or removed, the people are deprived of the services of the man they elected. Implicit in the right to suffrage is the people are entitled to the services of the elective officials of their choice.”

Politika rin ang ipinupunto nilang dahilan ng suspensiyon bilang vendetta sa kanila ni Pastrana sa pagsuporta nila sa kalaban nito noong nagdaang halalan.

Ang reklamo laban sa kanila, ayon kay Almacen ay pinirmahan din ng iba pang mga barangay chairmen na kaalyado ni Pastrana at ginawang dahilan ang kanilang paglabag sa ‘by-law ng Liga ng mga Barangay’ na sila raw ay lagibg absent at di nagbabayad ng dues.

“Ang disciplinary authority ng SB ay limitado lamang sa sinasaad ng Section 60 ng LGC, at hindi kasama rito ang attendance o’ absences sa mga meeting ng Liga ng mga Barangay,” paliwanag ni Almacen.

Anila, ang by-laws ng Liga ay nagpapataw na ng mga penalty o’ fine sa di pagdalo ng isang miyembro sa mga meeting.

Dagdag pa ng grupo ng mga punong barangay ang LGC at SC decision ay nagbabawal kahit na sa President ng Pilipinas at kanyang mga ‘alter ego’ na makialam sa mga gawain o’ aktibidades ng Liga ng mga Barangay, dahil independent ito, bilang autonomous association, na ginagabayan ng sarili nitong constitution at by-laws.