TULFO: MGA BIKTIMA NG DELUBYO, BIGYAN MUNA NG PAGKAIN BAGO INTERBYUHIN
Advertisers
Nanawagan si Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development Chairman Erwin Tulfo ng pagpapabilis ng proseso para agarang mabigyan ng pagkain ang mga biktima ng delubyo tulad ng nangyaring lindol sa Cebu.
Sa kanyang pagbisita sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng 6.9 magnitude na lindol nitong nakaraang linggo, personal na nakita ni Tulfo ang mga biktimang pansamantalang naninirahan sa gilid ng kalsada na nananawagan na bigyan sila ng pagkain.
Giit ng mga biktimang nakausap ng Senador, wala pa silang natatanggap na tulong mula sa gobyerno kaya agad siyang sumangguni sa mga lokal na opisyal ng Department of Social and Welfare and Development (DSWD) sa lalawigan.
“I saw it personally na nakatambak ang mga food pack ng ahensya sa isang distribution site sa likod ng Bogo City Hall dahil kailangan interbyuhin daw muna ang mga tao,” ibinahagi ni Tulfo.
“Agad kong pinuntahan ang DSWD relief operations head sa lugar para iparating ang problema ng mga tao,” dagdag niya.
Ayon sa mambabatas, hindi lang ang mga biktima ang may ganitong reklamo, kundi maging ang mga opisyal din ng mga apektadong local government units (LGUs).
“Ganun din ang pakiusap sa atin ng mga mayor na kung maaari ay bilisan ng DSWD ang pagbibigay ng pagkain at tubig sa mga tao,” aniya.
Ipinaliwanag ni Tulfo, na dating kalihim ng DSWD, na magkaiba ang pag-responde sa mga biktima ng bagyo at ng lindol.
“Iba kasi ang lindol sa bagyo. Sa bagyo, tumakbo ka lang sa evacuation center, mabibigyan ka na ng pagkain. Samantala, sa lindol, walang pumupunta sa evacuation center dahil sa takot na baka gumuho rin ito dulot ng aftershocks,” paliwanag niya.
Pinasalamatan ni Tulfo si DSWD Secretary Rex Gatchalian sa mabilis nitong pagtugon sa panawagan ng mga mayor at mga biktima ng lindol sa Cebu matapos niyang ilapit ang nasabing bagay sa kalihim. (JERRY S. TAN)