Advertisers
TINIYAK ng Malalakanyang sa publiko na ang lahat ng miyembro ng Executive Department, kabilang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr, ay susunod sa anumang direktiba mula sa Office of the Ombudsman na nagpapahintulot sa pampublikong access sa Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALNs).
Sinabi ito ni Communications Undersecretary Claire Castro sakaling alisin na ng Office of the Ombudsman ang mga umiiral na limitasyon sa pagkuha ng kopya nito.
Sa kanyang press briefing nitong Lunes, Oktubre 13, sinabi ng opisyal ng Palasyo na susundin ng Pangulo ang anumang itinatakda ng batas at kung ano ang pinakamahusay na magsisilbi sa paglaban sa katiwalian.
“Kung ano ang nararapat at kung ano ang sinasabi ng batas at kung ano ang makakabuti para malabanan ang korapsyon, tatalima naman po ang lahat na nasa Executive Department
“Whatever is proper, lawful, and beneficial in fighting corruption, everyone in the Executive Department will comply with,” sabi pa niya .
Nang tanungin kung handa si Pangulong Marcos na ipakita ang kaniyang SALN , tugon ni Castro, “Lahat po na nasa Executive Department, handa po.”
Matatandaang inanunsyo ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na maglalabas siya ngayong linggo ng memorandum na mag-aalis ng restrictions sa pagkuha ng SALN ng mga opisyal ng gobyerno.
Ang hakbang na ito ay itinuturing na bahagi ng pagpapatatag ng kampanya laban sa korapsyon sa gitna ng mga isinasagawang imbestigasyon sa iba’t ibang proyekto ng pamahalaan. (Vanz Fernandez)