Advertisers
ITINUTURING na ‘person of interest’ (POI) ang acting chief ng Digos City Police na si Lieutenant Colonel Peter Glenn Ipong sa pagpatay kay Barangay Tres de Mayo Chairman Oscar “Dodong” Bucol, Jr. na nabaril habang naka-Facebook live sa kanyang tahanan.
Inalis na si Ipong sa puwesto habang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang Philippine National Police Regional Office 11 (PRO11).
Inutusan ni Brigadier General Leon Victor Rosete ang Davao del Sur Provincial Police Office na magsagawa ng komprehensibong probe na maaaring tumagal ng isa hanggang anim na buwan.
Nagtungo si Rosete sa bahay at burol ni Bucol upang suriin ang crime scene at makiramay.
Dalawampung pulis ang sumailalim sa paraffin test, at sinusuri ang CCTV footage na nagpakita ng sasakyan na posibleng ginamit sa krimen.
May P2 milyong pabuya mula kina Bise Presidente Sara Duterte at Gobernador Yvonne Cagas para sa impormasyon na maghahatid sa mga salarin.
Hiniling din na tumulong ang National Bureau of Investigation sa imbestigasyon.(Boy Celario)