Advertisers
IBINUNYAG ni Senadora Imee Marcos na may natanggap umano siyang impormasyon na kakasuhan na umano sa Enero 15 ang ilang senador at kongresista na idinadawit sa flood control scandal.
Ayon kay Imee, nakahanda na ang mga kasong isasampa laban kina Senators Jinggoy Estrada, Joel Villanueva, dating Sen. Bong Revilla, at ilang kongresista.
Kaugnay nito, may natanggap din siyang impormasyon na nakatakda umanong buwagin ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Pebrero 1.
Ito ay makaraang si ICI Chairman Andres Reyes na lamang ang natitirang miyembro ng komisyon.
Matatandaang unang nagbitiw sa ICI si Baguio City Mayor Benjamin Magalong.
Nag-resign siya bilang special adviser noong Setyembre 2025 matapos kuwestiyunin ang dalawa niyang tungkulin.
Sinundan siya ng pagbibitiw ni Commissioner Rogelio Singson noong Disyembre 2025, kung saan binanggit na dahilan ang kanyang kalusugan, at ang bigat at hirap ng trabaho.
Sumunod naman si Commissioner Rossana Fajardo, na nagbitiw sa pagtatapos ng Disyembre 2025 dahil nakumpleto na umano niya ang trabahong itinakda niyang gawin nang siya’y maitalaga. (Mylene Alfonso)