Advertisers
POSIBLENG kailanganin ng Kamara de Representantes na magkasa ng pormal na imbestigasyon upang maberipika ang mga alegasyon ng detainee na si Ramil Madriaga laban kay Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, maaaring kailanganin ito sakaling isasama ang kaniyang affidavit bilang batayan ng panibagong impeachment complaint laban sa Pangalawang Pangulo.
Paliwanag ng mambabatas na bagama’t hindi pa opisyal na bahagi ng anumang impeachment case ang isyu ni Madriaga, hindi ito maaaring balewalain ng Kongreso kung gagamitin sa isang prosesong may malalaking implikasyon sa konstitusyon.
Giit niya, kakailanganin ng corroborative evidence o karagdagang matibay na ebidensiya tulad ng dagdag na testigo at dokumento.
Nasa holding pattern pa rin umano ang mga impeachment proceedings habang hinihintay ang desisyon ng Korte Suprema sa motion for reconsideration ng Kamara, na magsisilbing gabay sa susunod na hakbang kung may ihahaing reklamo sa Pebrero 6, 2026.
Samantala, sinabi ni Ridon na mabigat ang mga paratang ni Madriaga at maaari pa ring silipin ng Kongreso kahit hindi ito maging pormal na impeachment ground.
Kinumpirma rin niya na posibleng magsumite ng ikalawa o clarificatory affidavit si Madriaga upang linawin ang kanyang mga alegasyon laban sa Bise Presidente.