Advertisers

Advertisers

KRISIS SA LANGIS! PBBM hihirit ng emergency power sa Kongreso; pinababantayan mananamantala sa presyo; fuel subsidy sa pagsirit ng oil price

0 13

Advertisers

ISINIWALAT ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na plano niyang humirit sa Senado at Kongreso ng dagdag na kapangyarihan para maibaba ang excise tax sa produktong petrolyo sakaling lumampas sa $80 kada bariles ang presyo ng Dubai crude.

Sa press conference sa Malakanyang, sinabi ni PBBM na kailangang may nakahandang hakbang ang pamahalaan upang mapagaan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa publiko.

Sinabi ng Pangulo na dahil sa nagpapatuloy na tensyon sa Middle East, posibleng tumagal pa ng apat hanggang limang linggo ang kaguluhan na nagdudulot ng pangamba sa pandaigdigang suplay ng langis.



Gayunman, tiniyak ng Pangulo na may sapat na suplay ang Pilipinas na tatagal ng humigit-kumulang 50 hanggang 60 araw. (Gilbert Perdez)

PBBM pinababantayan mananamantala sa presyo ng langis
INATASAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na tiyaking walang magaganap na price gouging sa langis at iba pang pangunahing bilihin sa gitna ng umiiral na tensyon sa Gitnang Silangan.



Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Palace Press Officer at PCO Undersecretary Claire Castro na mahigpit ang bilin ng Pangulo na bantayan ang galaw ng presyo upang hindi makapanamantala ang ilang negosyante.

Ayon kay Castro, hindi pa napapanahon ang pagtaas ng presyo ng langis.
Kasabay nito, inatasan na rin ang Department of Trade and Industry na magsagawa ng masusing monitoring sa merkado.



Nakatakda namang makipagpulong si Sec. Sharon Garin ng Department of Energy sa mga oil companies upang talakayin ang sitwasyon ng presyo ng petrolyo sa bansa.

Samantala, tiniyak ng pamahalaan na magpapatuloy ang pagbibigay ng subsidiya sa mga sektor na maaaring maapektuhan ng posibleng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. (Gilbert Perdez)

DOTr, nagha-handa ng P2.5-B fuel subsidy sa pagsirit ng oil price
NAGHAHANDA ang Department of Transportation (DOTr) para sa posibleng pagpapatupad ng P2.5 bilyong fuel subsidy matapos tumaas ang presyo ng langis dulot ng kaguluhan sa Middle East kasunod ng mga pag-atake ng US at Israel laban sa Iran.

Sinabi ni Acting Secretary Giovanni Lopez, inatasan na niya ang road sector na simulan ang dokumentasyon upang agad maipatupad ang subsidiya kapag umabot sa $80 kada bariles ang presyo ng langis.

Samantala, nire-review na rin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga nakabinbing petisyon sa taas-pasahe.

Sa gitna nito, nananatiling tensyonado ang sitwasyon sa Middle East, lalo na sa Strait of Hormuz na dinaraanan ng humigit-kumulang 20% ng global seaborne oil supply.

May mga barkong tinamaan at ilang shipping companies na ang nagsuspinde ng pagdaan sa ruta, dahilan upang tumaas pa ang insurance costs at posibleng umabot sa $90 hanggang lampas $100 kada bariles ang presyo ng langis.

Babala ng mga analyst, kung magpapatuloy ang pagharang sa naturang ruta, maaaring mawalan ng 8 hanggang 10 milyong bariles kada araw na suplay ng krudo sa pandaigdigang merkado, isang kakulangan na mahirap mapunan kahit may nakahandang oil reserves ang ibang bansa.