Advertisers
Inaresto ng National Bureau of Investigation–National Capital Region (NBI-NCR) sa isang entrapment operation sa Pasay City ang isang babaeng accountant ng isang construction company sa Ayala Alabang nang tangayin nito ang humigit-kumulang P5.3 milyon gamit ang tinatawag na “Double OTP” o “Double Payment” scheme.
Ayon kay NBI spokesperson Palmer Mallari, pinagkakatiwalaan ang suspek sa pagpoproseso ng bayad sa mahigit 50 supplier ng kum-panya.
Napansin ng pamunuan ang dobleng bawas sa kanilang bank account kaya nagsagawa ng internal audit na naglantad sa modus ng kanilang accountant.
Sa bawat online payment na nagkakahalaga ng P50,000 hanggang P100,000, kinakai-langan ang one-time password (OTP) na ipinapadala sa cellphone ng project manager na naka-register sa bank account. Matapos maipasok ang unang OTP at maipadala ang bayad sa supplier, sasabihin ng suspek na “expired” o “invalid” ang OTP at hihiling ng panibago.
Sa ikalawang transaksyon, pangalan parin ng supplier ang nakalagay ngunit iba na ang account number, pag-aari na ng suspek, kaya nagiging doble ang nababawas sa account ng kumpanya.
“May babayaran po kami 100,000 sa isang supplier. Ngayon po, ‘yung 100,000 na ‘yun, papasok na po sa supplier ‘yun. Pero mag-re-request po siya ng tatlong OTP. ‘Yung isang OTP dun, sasabihin niya expired na, which is ‘yun po ‘yung mapupunta sa account niya,” ayon sa project manager.
Lumabas sa audit na umabot sa 178 transaksyon ang isinagawa sa loob ng walong buwan.
Sa entrapment operation, inobserbahan ng mga awtoridad ang panibagong transaksyon kungsaan muling humingi ng dagdag na OTP ang suspek.
“In-anticipate nila there’s going to be a transaction to be processed by the suspect dahil na-realize nila na potentially magko-commit ng crime ‘yung same employee on a particular transaction. Nakaabang na ang agents. True enough, ganon na nga nangyari, meron isang supplier na babayaran nagkaroon ng dual payments,” ani Mallari.
Mahaharap ang suspek sa kasong Qualified Theft. Patuloy pa ang mas malalim na audit ng kumpanya dahil maaaring uma-bot sa P10 milyon ang ka-buuang nawalang pondo.