Advertisers

Advertisers

Panukalang pababain ang presyo ng gasolina at krudo inihain ni Rep. Bong Suntay!

0 71

Advertisers

Dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa buong mundo, naghain si Quezon City 4th Dist. Congressman Bong Suntay ng dalawang mahahalagang panukalang batas ang House Bill No. 8244 at House Bill No. 8237 na layong bawasan ang pasanin ng mga Pilipino sa mahal na presyo ng gasolina at diesel.

Ayon kay Suntay, kahit bago pa man sumiklab ang kasalukuyang tensyon sa Middle East, tuloy-tuloy na ang pagtaas ng presyo ng langis sa global market. Sa loob ng halos anim na linggo bago pa ang kasalukuyang hostilities, ramdam na ng mga Pilipino ang pagtaas ng presyo sa mga gasolinahan.

Ngayon, dahil sa lumalalang sigalot na kinasasangkutan ng Estados Unidos, Israel, at Iran, lalo pang tumitindi ang pangamba sa global oil supply. Kapag nagkakaroon ng tensyon sa rehiyong iyon—lalo na sa mga pangunahing ruta ng langis sa mundo—agad itong nagdudulot ng pagtaas ng presyo ng krudo.

At kapag tumaas ang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado, ramdam agad ito dito sa Pilipinas.

“Kapag tumaas ang presyo ng langis, halos lahat ng gastusin ng ordinaryong Pilipino tumataas din,” ani Suntay.

Upang tugunan ito, naghain siya ng House Bill No. 8244, na magtatatag ng mekanismo para pansamantalang alisin ang VAT at excise tax sa petroleum products kapag may global oil crisis. Layunin nitong agad na pababain ang presyo ng gasolina at diesel kapag may biglaang pagtaas ng presyo sa pandaigdigang merkado.

Kasabay nito, inihain din ni Suntay ang House Bill No. 8237, na naglalayong tanggalin ang excise tax sa pangunahing petroleum products tulad ng diesel, gasolina, kerosene, LPG, at fuel oil upang mabawasan ang dagdag na gastos ng mga konsyumer.

Ayon sa kongresista, mahalagang may malinaw na polisiya ang pamahalaan upang agad makaresponde kapag may krisis sa pandaigdigang suplay ng langis.

“Hindi natin kontrolado ang digmaan o tensyon sa ibang bansa. Pero may kontrol tayo sa mga buwis na ipinapataw natin sa sarili nating mamamayan,” ayon kay Cong. Suntay.

Dagdag pa niya, ang mataas na presyo ng fuel ay hindi lamang problema ng mga motorista kundi ng buong ekonomiya.

“Kapag mahal ang gasolina, mahal din ang transportasyon, mahal ang produksyon, mahal ang pagkain. Kaya kailangan nating gumawa ng konkretong hakbang para maibsan ang epekto nito sa ating mga kababayan,” dagdag niya.

Para kay Suntay, ang mga panukalang ito ay bahagi ng mas malawak na layunin na protektahan ang mga Pilipino laban sa epekto ng pandaigdigang krisis sa enerhiya at tiyaking hindi lubusang maramdaman ng mamamayan ang biglaang pagtaas ng presyo ng langis. (Cesar Barquilla)