Advertisers
Ibinahagi ni writer at Abante host Jerry Gracio ang panloloob ng 20 armadong lalaki sa condo unit ng kanyang kapatid sa Valenzuela City, kung saan sinaktan umano ito at tinangkang patayin.
Ayon sa Facebook post ni Gracio, nangyari ang insidente noong Huwebes ng umaga, Marso 12, sa Chateau Valenzuela.
Nakarinig umano ng malalakas na katok ang kanyang kapatid habang mag-isa sa condo unit.
Bumungad naman sa kanya ang armadong kalalakihan na naka-mask, at pinilit ding agawin ang cellphone nito nang mapansing kumukuha ng video.
Kinaladkad din umano ang bunsong kapatid ni Gracio habang sakal ito sa braso ng lalaki.
Maririnig umano ang pag-uusap ng kalalakihan na nagsasabing “Tuluyan na natin” at “Wala sa briefing ‘yan” hanggang sa mawalan ng malay ang kanyang kapatid.
Bukod dito, may tatlo pa umanong unit ang pinasok ng kalalakihan sa parehong araw, kabilang ang tinitirhan ng senior citizen at solo parent.
Ayon kay Gracio, matagal nang may problema sa condo building, kabilang ang hindi malinaw na pag-aari at pamamahala, na nauwi sa harassment sa mga residente.
“Matagal nang may problema sa condo building na tinitirhan ng utol ko. Nagtaka kasi sila at ang mga nakatira dito nang mapansin nilang hindi OR ang ibinibigay kapag nagbabayad sila ng monthly amortization. Ni walang pangalan ng Globe Asiatique na siya diumanong may-ari ng condo buildings.”
“Lumapit sila sa BIR, nag-tsek sila sa Department of Housing. Nalaman nila ang sangkatutak na problema. Pinayuhan sila na huwag munang magbayad hangga’t hindi nasi-settle ang question sa ownership at iba pang mga problema.”
“Nagsimula ang harassment. Nagpupunta sa mga unit ang mga naka-mask na kalalakihan, lahat armado. Itinataon nila na walang tao, pinapasok ang mga bahay, sinisira ang mga toilet bowl, ang sink, ang sahig, itinatapon sa labas ng unit ang mga gamit ng homeowners.”
Samantala, pinayuhan naman umano ni Gracio ang kapatid na pansamantalang lumikas sa condo at sinabing “Pero kasuhan ang dapat kasuhan. Dahil kung namatay ang utol ko, na bunso namin, patawarin ako ng Diyos, hahantingin ko kayo.”
Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag ang Chateau Valenzuela kaugnay ng mga insidente.(Beth Samson)