Advertisers
NAGBABALA si Senador Panfilo Lacson laban sa anumang tangka ng pribadong interes na pakialaman o impluwensiyahan ang pamunuan at operasyon ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), at iginiit na dapat manatiling independent at hindi pinakikialaman ang pangunahing financial intelligence body ng bansa.
Ayon kay Lacson, napakahalaga ng papel ng AMLC sa pagprotekta sa integridad ng financial system ng bansa kaya hindi ito dapat mapasailalim sa anumang pressure mula sa pulitika o pribadong interes.
Binigyang-diin din niya na ang sinumang magtatangkang manipulahin o pakialaman ang konseho ay maaaring managot sa ilalim ng batas.
Dagdag pa ng senador, ang anumang attempt na i-undermine o impluwensiyahan ang AMLC ay maaaring magresulta sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga responsable.
Sa isang panayam, sinabi ni Lacson na hindi pa niya personal na naririnig ang ulat na may isang negosyante na gustong impluwensiyahan kung sino ang mauupo sa board ng AMLC.
Gayunman, iginiit niyang hindi puwedeng mangyari ang ganitong sitwasyon dahil malinaw na nakasaad sa batas ang mandato ng konseho.
“Hindi puwede iyon,” ani Lacson. “Saklaw ng batas ang Anti-Money Laundering Council. May mga proseso at mandato iyan sa ilalim ng batas.”
Hindi man direktang nanawagan si Lacson kay Eli Remolona, Jr., ang governor ng Bangko Sentral ng Pilipinas at chairman ng AMLC, na i-expose at kasuhan ang mga indibidwal na kumikilos upang pahinain ang independence ng konseho, nagpahiwatig siya na ang failure na ipagtanggol ang integridad ng institusyong nasa kanyang watch ay maaaring maituring na disservice sa financial oversight system ng bansa.
Si Lacson, isa sa mga mambabatas na matagal nang nagsusulong ng mga amyenda sa Anti-Money Laundering Act of 2001, ay nagsabing patuloy ang mga hakbang sa Senado upang lalo pang palakasin ang kapangyarihan ng AMLC sa pag-trace ng suspicious financial transactions at sa paglaban sa money laundering.
Ayon sa kanya, ang Senate Blue Ribbon Committee ay mayroon nang mga rekomendasyon upang higit pang mapalakas ang mandato at kakayahan ng konseho.
Binigyang-diin din ng senador na maganda ang kasalukuyang ginagawa ng AMLC at hindi ito dapat gambalain ng mga pagtatangkang manipulahin ang pamunuan nito.
“Maganda ang ginagawa ng council ngayon,” aniya, sabay banggit sa kanyang pakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng AMLC, kabilang si Executive Director Matthew David.
Inihayag din ni Lacson na siya mismo ang nagpanukala ng dagdag na pondo para sa AMLC sa deliberasyon ng 2026 national budget.
Ayon sa kanya, napakalaki ng trabaho ng AMLC. Sinusuri nito ang napakaraming financial transactions sa banking at financial system ng bansa, kaya kailangan itong suportahan ng mas malakas ng pamahalaan.
“Ang liit ng kanilang budget,” ani Lacson. “Sabi ko nga noon, mas malaki pa ang kinurakot sa isang project ng isang malaking kontraktor kaysa sa budget ng Anti-Money Laundering Council.”
Dahil dito, iminungkahi niya na ibalik ang pondong hindi naibigay sa AMLC sa ilalim ng National Expenditure Program. Kalaunan ay isinama ito sa committee amendments sa pagtalakay ng badyet.
Kinilala rin ni Lacson ang papel ni Sherwin Gatchalian, na siyang namuno sa mga talakayan sa badyet, sa pagsuporta sa panukalang dagdag pondo at sa pagsasama nito sa committee amendment para sa 2026 budget.
Ayon kay Lacson, ang karagdagang pondo ay makakatulong sa AMLC upang ma-upgrade ang kanilang technology, mapalakas ang kanilang investigative capability, at mas epektibong mabantayan ang mga kahina-hinalang transaksyon.