Advertisers
SINUPORTAHAN ng iba’t-ibang grupo ng mga negosyante at magsasaka ang pinatinding kampanya ng gobyerno laban sa talamak na pagpupuslit at iligal na paggawa ng sigarilyo sa bansa.
Ikinatuwa ng Federation of Free Farmers (FFF), Federation of Philippine Industries (FPI), at British Chamber of Commerce of the Philippines (BCCP) ang pagtuon ni Interior Secretary Jonvic Remulla sa pagbuwag sa mga sindikato ng iligal ng produkto.
Matatandaang sunod-sunod ang pagsalakay ng mga awtoridad sa mga iligal na factory ng sigarilyo sa Pampanga kung saan tumambad ang mga abandonadong makinarya at materyales na nagkakahalaga ng P400 milyon.
Ayon kay Remulla, ang bawat pasilidad ay may kakayahang lumikha ng P160 milyong halaga ng sigarilyo kada araw.
Sinabi ni FFF chairman Leonardo Montemayor na malaking tulong ito para sa mga lokal na magsasaka ng tabako na nadadaya ng mga iligal na grupo.
Pinuri din ng FFF ang DILG. Ang iligal na produksyon ay sumisira sa kabuhayan ng libu-libong magsasakang Pilipino na umaasa sa lehitimong merkado, ayon kay Montemayor.
Maging ang FPI ay nababahala sa epekto ng illicit trade sa ekonomiya. Ayon kay FPI chairman emeritus Jesus Arranza, “unfair” ito sa mga kumpanyang tapat na nagbabayad ng buwis.
Hindi rin naging biro ang rebelasyon ni Remulla na may mga “backer” sa loob ng gobyerno at mga pulitikong sangkot sa operasyon.
Inamin ng kalihim na may mga nagtangka pang kumontak sa kanya para makiusap pero hindi niya pinagbigyan.
“Nag-reach out na. Alam na agad nila… Through their friends, lumapit na naman sa akin. Kakausapin daw ako pero ayaw ko pa kausapin,” matapang na pahayag ni Remulla.
Base sa datos, aabot sa P30 bilyon ang nawalang excise tax sa kaban ng bayan noong 2025 dahil sa iligal na sigarilyo.
Dahil dito, nangako ang DILG ng mas malawak pang operasyon sa Pampanga, Cavite, Batangas, Laguna, Makati, Quezon City at iba pang mga lugar.
“You fill in the blanks… How to provide the exact details para accountable sila sa batas,” sabi ni Remulla bilang babala sa mga financier at operator ng mga sindikato.