Advertisers

Advertisers

Driver ng gunman ng badigard ni Mayor Isko, sumuko

0 77

Advertisers

Ipnahayag ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso, na sumuko na ang driver-suspect sa pamamaril na ikinamatay ng retiradong pulis na si George Capistrano, habang nagpapatuloy ang manhunt laban sa gunman nitong Martes, Marso 17.
Kinilala ni Domagoso ang suspek na si Liegem Bulalacao Young o “Biboy,” na boluntaryong sumuko sa tulong ng isang barangay official nang hikayatin ng mga awtoridad.
Ayon sa alkalde, nagkaroon ng malaking development ang Manila Police District (MPD) sa kaso dahil sa tuloy-tuloy na follow-up operations at intelligence gathering.
“Ngayon, as you can see, meron na po tayong development. Sumuko na po ‘yung isa sa mga suspect, at nagbibigay na siya ng mahalagang impormasyon para matukoy ang iba pang sangkot sa krimen,” ani Domagoso.
“We are halfway of giving justice to the victims, at sisikapin naming mahanap pa ang iba pang miyembro ng grupong ito para tuluyan nang maresolba ang kaso,” wika ni Isko.
Inamin ng suspek ang kanyang papel bilang driver ng motorsiklo sa insidente ng robbery-holdup, nguni’t iginiit na ang kanyang kasama na si Albert Magdaraog ang bumaril kay Capistrano.
“Driver lang naman po ako. Wala naman po akong alam na papatayin niya eh. Pagbaba niya, binaril niya agad, siya lang po ‘yung may dala,” pahayag ng driver-suspect, na tumutukoy sa gunman na nananatiling pinaghahanap.
Patuloy naman ang operasyon ng mga awtoridad upang matunton si Magdaraog at iba pang posibleng kasapi ng grupo, na pinaniniwalaang bahagi ng isang roaming robbery-holdup syndicate na kumikilos sa buong Metro Manila at karatig-probinsiya.
“Rest assured, we will not stop. Kung ginawa niyo ito sa Maynila, hahalughugin namin ang buong bansa,” dagdag pa ng alkalde, kasabay ng paninindigang maibigay ang hustisya kay Capistrano at sa iba pang biktima.
Matatandaang binaril si Capistrano, 56-anyos hanggang sa mapatay hatinggabi ng Marso 15 sa kahabaan ng Salonga Street kanto ng Buendia Street sa Barangay 134, Balut, Tondo.
Ayon sa pulisya, agad isinugod si Capistrano sa Tondo Medical Center nguni’t idineklarang dead on arrival bandang 12:35 ng madaling araw.(BP)