Advertisers

Advertisers

Palasyo itinaggi ang mga alegasyon ni Sen. Marcos na pamimilit sa pagpabor sa VP Sara impeachment

0 2

Advertisers

TAHASANG itinanggi ng Palasyo ng Malakanyang ang alegasyon ni Senador Imee Marcos na may umiiral umanong pamimilit at pagbabanta laban sa mga mambabatas upang suportahan ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, walang basehan ang mga akusasyon kung hindi ito sasamahan ng malinaw na ebidensya.

“Mas magiging kapani-paniwala ang mga paratang kung may maipapakitang patunay,” ani Castro.



Inihayag din ng opisyal ng Palasyo na tila nasasanay umano ang ilang personalidad sa pagpapalutang ng mga haka-haka at intriga sa halip na maglatag ng konkretong ebidensya. Tinukoy rin niya si dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng naturang pahayag.

Nauna rito, sinabi ni Marcos sa isang video statement na may ilang miyembro umano ng House of Representatives at Senado ang nahaharap sa pananakot at bantang kaso kung hindi susuporta sa impeachment complaint laban kay Duterte.
Ayon sa senadora, may mga mambabatas umanong pinagbabantaan ng reklamong ihahain sa Office of the Ombudsman, habang ginagamit din umano ang ilang ahensya tulad ng Department of Justice (DOJ), National Bureau of Investigation (NBI), at Securities and Exchange Commission (SEC) upang gipitin ang mga hindi pabor sa impeachment.



Binanggit din ni Marcos na may ilang pondo umano ng mga mambabatas na naantala matapos markahan bilang “for later release” o FLR, bagay na nakaapekto umano sa mga proyekto para sa kanilang mga distrito.

Gayunman, hindi naman nagbigay ng pangalan ang senadora ng mga opisyal na umano’y nakararanas ng pressure mula sa administrasyon.



Nakatakdang pagbotohan ng Kamara ang articles of impeachment laban kay Duterte, kung saan kinakailangan ang hindi bababa sa 106 boto upang maipasa ito sa Senado para sa paglilitis.