CONG. PANALIGAN ITINUTULAK ANG PAGGAMIT NG RENEWABLE ENERGY PARA SA MALINIS MATATAG AT MAKATARUNGANG ENERHIYA
Advertisers
Sa gitna ng nararanasang krisis sa kuryente, iminumungkahi at isinusulong ni Congressman Arnan C. Panaligan ang mas agresibong pagde-develop ng renewable energy bilang pangmatagalang solusyon sa problema ng araw-araw na brownout sa Oriental Mindoro.
Ayon sa kongresista hindi sapat ang mga pansamantalang remedyo at emergency power arrangements lamang.
Para sa mambabatas, kinakailangan ng lalawigan ng mas sustainable, stable, at mas murang mapagkukunan ng enerhiya tulad ng solar power, wind energy, hydro power, at iba pang renewable energy sources.
Katunayan, matagal na umano siyang nagpadala ng sulat sa pamunuan ng ORMECO upang hikayatin ang mas agarang pag-aksyon at paghahanap ng mga alternatibong paraan upang maibsan ang lumalalang problema sa rotational brownouts.
Mahalagang bigyang-diin na ang Oriental Mindoro ay may likas na potensyal para sa renewable energy development. Ang probinsya ay may malawak na open lands para sa solar farms, mga baybaying lugar na maaaring paglagyan ng wind energy systems, at mga ilog at watershed na maaaring pagkunan ng small-scale hydro power projects.
Sa ganitong kalagayan, hindi lamang ito usapin ng posibilidad kundi ng aktwal na oportunidad na matagal nang hindi lubos na nagagamit.
Hindi umano na sapat ang mga pangako, panahon na para sa kongkretong aksyon.
Isang inisyatiba na naglalayong pabilisin ang pag-unlad ng renewable energy (RE) sa isla at tugunan ang patuloy na kakulangan sa kuryente.
Sa gitna ng lumalalang krisis sa enerhiya, muling iginiit ni Cong Panaligan ang kanyang paninindigan upang wakasan ang labis na pagdepende sa diesel.
Kilala si Panaligan bilang tagapagtanggol ng kalikasan at tagapagtaguyod ng pangmatagalang solusyon sa Oriental Mindoro, na patuloy na itinutulak ang paggamit ng renewable energy hindi lamang bilang alternatibo, kundi bilang pangunahing direksyon ng kaunlaran ng lalawigan.
Iginiit ni Panaligan na hindi maikakaila ang katotohanan na ang sistemang nakaasa sa imported na langis ay isang sistemang marupok dahil tuwing may kaguluhan sa Gitnang Silangan, agad na tumataas ang presyo ng diesel at kasabay nito, ang bigat na pasan-pasan ng bawat Mindoreño sa kanilang bayarin sa kuryente.
Ito ay hindi lamang usapin ng ekonomiya, kundi ng katarungan. Bakit patuloy na nagdurusa ang mga mamamayan sa isang sistemang naka depende lagi sa diesel?
Sinabi ni Panaligan na panahon na upang ilipat sa renewable energy. Solar, hangin, tubig, at init ng lupa mga likas na yaman na hindi nauubos, hindi inaangkat, at lalong hindi nagpapalala ng krisis sa klima. Ito ang enerhiyang tunay na para sa bayan.
Sa puntong ito, ang panawagan ni Cong. Panaligan ay higit pa sa simpleng polisiya ito ay paninindigan. Isang paninindigan laban sa sistemang nagpapahirap sa mamamayan at sumisira sa kalikasan. Isang paninindigan para sa enerhiyang abot kaya, maaasahan, at makatarungan.
Sa panahon ngayon kung kailan patuloy na tumataas ang presyo ng kuryente, maraming Pilipino ang tumitingin sa solar energy bilang praktikal at pangmatagalang solusyon.
Samantala sa ginanap na “Renewable Energy Mindoro Summit”, sa Divine World College of Calapan (DWCC) sinabi ng Diocese of Calapan Bishop Moises M. Cuevas na dapat na ring baguhin at talikuran ang marumi, mahal, at hindi maasahang pinagkukunan ng kuryente ng ORMECO kasabay ang panawagang pagkakaisa ng simbahan, pamahalaan at pribadong sector.
@@@
Anumang reaksyon o suhestiyon itext sa 09397177977/09368625001 o di kaya mag email balyador69@gmail.com