Advertisers
HEAVYGAT ang mga katagang binitiwan ni Assistant Ombudsman, Atty. Mico Clavano, laban kay dating House Speaker Martin Romualdez.
Oo! mantakin mong tawagin niyang “master plunderer” ang isang dating lider ng Kamara at isa sa pinakamakapangyarihang personalidad sa bansa. Gayunpaman, marami rin ang hindi na nagulat.
Habang taon-taong nilulubog ng baha ang mga Pilipino, habang paulit-ulit tayong nakakakita ng mga sablay na flood control project, at habang bilyon-bilyong piso ang nawawala sa mga proyektong dapat sana’y sumusolusyon sa problema ng baha, may isang tao namang tila lumalangoy sa pera at luho.
Hindi narin sikreto ang mga ulat tungkol sa umano’y lawak ng kayamanan ni Romualdez. Mga property sa Forbes Park. Mga mansion at estate sa abroad. Isang malawak na property sa Massachusetts. Luxury villa sa Spain. Mga helikopter. Mga private plane. Mga koneksyon sa corporations at business associates. Paano nagkaroon ng ganitong klaseng yaman si Romualdez habang taon-taon ay nalulunod sa baha at utang ang ordinaryong mamamayang Pilipino? Papaano?
Humahanga at sumasaludo tayo sa tapang ni Clavano. Oo! Deretsahan niyang sinabi ang matagal nang saloobin ng karamihan sa atin. Hindi siya nagtago sa technicalities. Hindi siya nagpaligoy-ligoy.
Dahil dito, bumigat ang pressure sa Office of the Ombudsman. Kredibilidad na ng ahensya ang nakataya rito. Kaya bang panindigan ng Ombudsman ang sarili nitong mga pahayag? O uurong din ba ito kapag nagsimula nang pairalin ang impluwensya at kapangyarihan?
Malaki ang alinlangan ng mga Pilipino sa pagiging fraternity brothers nina Ombudsman “Boying” Remulla at Romualdez.
Matagal nang nananaig ang padrino system at utang na loob politics sa bansa, at natural lang na magduda ang taumbayan kung hanggang saan ang kayang panindigan ng isang opisyal laban sa sarili nitong brod.
Pero dito rin masusubukan at makikita kung may hustisya pa nga ba tayong mahihita sa bansa. Kung ang mga kaso ni Romualdez ay mauuwi lamang sa ingay, press conference, at scripted narratives, lalo lang mawawalan ng tiwala ang taumbayan sa sistema. Mismo!
Kaya mahalagang may mga opisyal gaya ni Clavano. Sa wakas, may isang tao na nasa loob mismo ng sistema na may lakas ng loob magsabi ng diretsahan na sentro ng pandarambong si Don Martin.
May dahilan pa para umasa ang publiko na baka, kahit paano, may hustisya pang natitira sa bansang ito.
Wish ko lang!
***
Maglalabas na naman daw ng arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) laban sa ilang co-perpetrators ni ex-President Rody Duterte sa kasong crimes against humanity kaugnay ng mga pagpaslang sa nakaraang administrasyon.
Duda ako, ang mga maiisyuhan ng ICC warrant ay sina Senador Bong Go, ex-PNP Chiefs Oscar Albayalde at Vicente Danao, at ilan pang opisyal ng Philippine National Police na silang nasa likod ng laganap na patayan sa ‘war on drugs’ kuno ng nakaraang Duterte regime.
Abangan!