Advertisers
TINIYAK ng Philippine National Police (PNP) na hindi bibigyan ng espesyal na pagtrato si Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa gitna ng mga pangambang maging maluwag ang ilang pulis sa dating hepe ng PNP.
Ayon kay PNP Chief Gen Jose Nartatez Jr., ang PNP ay sumusunod sa mga itinatakda ng batas at mandato nito maglingkod sa publiko nang walang kinikilingan.
“The Philippine National Police operates strictly on legal frameworks and our sworn oath to serve and protect, meaning no individual is above the law regardless of rank or title,” ani Nartatez.
Sinabi ni Nrtatez na hindi makaaapekto ang mga isinasagawa nito ng mga pagkilos at hakbang sa pag-aresto kay Dela Rosa sa kabila ng pagiging dating nito hepe ng Pambansang pulisya.
Aniya, mananatiling nakabatay sa propesyonalismo, pagiging patas, at pagiging bukas ang lahat ng aksyon ng organisasyon.
Inatasan na rin ni Nartatez ang lahat ng unit ng pulisya na mahigpit na sundin ang standard operating procedures sa anumang operasyong may kaugnayan kay Senador dela Rosa, na nahaharap sa arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kampanya kontra droga ng nakaraang administrasyon.
Mahigpit din nito pinaalalahanan ang mga commander na iwasan ang anumang pabor o espesyal na pagtrato at pigilan ang hindi awtorisadong pagbubunyag ng impormasyon na maaaring makaapekto sa tamang proseso ng batas.
Nakikipag-ugnayan ang PNP sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng anumang legal na proseso laban kay dela Rosa.
Umaasa rin si Nartatez na mananatiling disiplinado ang lahat ng opisyal at pananatilihin ang integridad ng serbisyo-pulisya sa panahong mataas ang pagbabantay ng publiko.
Aniya, ang magiging asal ng mga pulis sa mga susunod na araw ay magsisilbing sukatan ng kredibilidad ng institusyon at ng paninindigan nito sa pananagutan. (Mark Obleada)