Advertisers
By Anne Venancio
Sa Facebook post nitong May 26, 2026, ibinahagi ni Klea Pineda ang screenshot ng pribadong mensaheng natanggap niya mula sa isang hindi pinangalanang netizen na naglalaman ng malisyosong pahayag at banta ng sexual violence.
Agad na kinondena ng aktres ang insidente at iginiit na kahit sanay na siya sa kritisismo bilang public figure, hindi dapat normalisahin ang ganitong uri ng pagbabanta at pambabastos online. Aniya, “I’m used to criticism, but some people are getting way too comfortable with their words. Nobody deserves to be on the receiving end of jokes like this.”
Umani ng malawak na suporta si Klea mula sa netizens at mga kaibigan sa industriya, kabilang ang rumored girlfriend niyang si Janella Salvador, na nagpakita rin ng suporta sa pamamagitan ng Instagram Stories.
Inirepost din ni Janella ang pahayag ng production ng pelikulang Open Endings, kung saan magkasama silang bida. Kinondena ng production team ang banta kay Klea at iginiit na hindi dapat normalisahin ang anumang uri ng harassment at sexual violence threats, lalo na laban sa LGBTQIA+ community.
Naglabas din ng pahayag ang Sparkle GMA Artist Center na nagsabing hindi nila kukunsintihin ang hate at intimidation laban sa kanilang mga artista at patuloy silang magsusulong ng ligtas at inklusibong environment.
Sa kabila ng suporta, sinabi ni Klea na nalungkot siya matapos ma-delete ang kanyang unang post sa Facebook dahil umano sa reports ng ilang users. Ayon sa kanya, layunin lamang ng kanyang post na magbigay ng awareness tungkol sa online abuse.