Advertisers
BILANG bahagi ng patuloy na whole-of-government repatriation efforts ng pamahalaan para sa ating mga Kababayang Overseas Filipino Workers (OFWs), ligtas na nailikas ang 165 Pilipino mula sa Kuwait lulan ng Cebu Pacific Flight 5J31 na lumapag sa NAIA Terminal 3 ngayong araw, Hunyo 16,2026.
Sa kabuuang bilang ng mga umuwi, 22 ang mula sa National Capital Region (NCR), 78 ang mula sa iba’t ibang bahagi ng Luzon, 28 ang mula sa Visayas, at 37 naman ang mula sa Mindanao.
Bago pa man ang kanilang pag-uwi sa Pilipinas, agad nang inasikaso ng OWWA On-Site Welfare Office at Migrant Workers Office (MWO) sa Kuwait ang kanilang mga pangangailangan upang matiyak ang maayos at ligtas na repatriation process. Bilang bahagi ng kanilang paglalakbay pauwi, ligtas silang naitawid mula Kuwait patungong Riyadh, Kingdom of Saudi Arabia (KSA), bago tuluyang bumiyahe pabalik ng Pilipinas.
Ang operasyong ito ay naging posible sa pamamagitan ng mahigpit na koordinasyon ng mga Embahada, MWOs, OWWA, at iba pang katuwang na ahensya ng pamahalaan bilang bahagi ng whole-of-government response para sa kapakanan ng mga apektadong Pilipino.
Sa kanilang pagdaan sa Riyadh, nagbigay rin ng kaukulang assistance ang Philippine Embassy sa Kingdom of Saudi Arabia sa pangunguna ni Ambassador Raymond R. Balatbat, katuwang ang iba pang opisyal at kawani ng pamahalaan, upang matiyak ang maayos at ligtas na transit ng ating mga Kababayan.
Ayon kay OWWA Administrator Patricia Yvonne “PY” Caunan, hindi tumigil ang pamahalaan sa pagtugon sa pangangailangan ng mga Pilipinong naapektuhan ng krisis sa rehiyon.
Mula nang magsimula ang krisis, halos 11,000 OFWs at kanilang mga pamilya na ang ligtas na naiuwi ng pamahalaan. Sa bilang na ito, 6,060 ang na-repatriate sa pamamagitan ng mga flights na pinondohan ng OWWA sa ilalim ng Emergency Repatriation Fund. Patunay ito ng patuloy na pangako ng pamahalaan na walang Pilipinong maiiwan sa panahon ng pangangailangan. (JOJO SADIWA)