Advertisers

Advertisers

Caviteño singer mula Tanza, muling itinaas ang bandila ng Pilipinas sa WCOPA 2026

0 3

Advertisers

Ni Mercy Lejarde

Muling ipinakita ng isang Caviteño singer ang husay at talento ng mga Pilipino sa pandaigdigang entablado matapos lumahok sa World Championships of Performing Arts (WCOPA) 2026 sa Las Vegas, Nevada, USA.

Si Melchor Nuñez Sorillano, o mas kilala bilang “The Singing Soldier,” ay isang 61-anyos na residente ng Belvedere Towne, Barangay Paradahan I, Tanza, Cavite. Siya ay isang retiradong opisyal ng Philippine Navy at Department of National Defense (DND), na nakilala rin bilang AFP Singing Soldier dahil sa kanyang natatanging talento sa pag-awit.

Bago pa man siya makilala sa mga international singing competitions, unang sumikat si Sorillano bilang Grand Champion ng “Singing Soldier” segment ng Eat Bulaga! Dahil sa kanyang tagumpay, naging isa siya sa mga unang kinilala bilang AFP Singing Soldier Champion at nagsilbing inspirasyon sa mga kapwa sundalo at aspiring singers.

Matapos ang kanyang tagumpay sa Eat Bulaga!, hindi tumigil si Sorillano sa paglinang ng kanyang talento. Patuloy siyang sumali sa iba’t ibang singing competitions sa Pilipinas at maging sa ibang bansa. Kabilang dito ang kanyang paglahok bilang kinatawan ng Pilipinas sa World Championships of Performing Arts (WCOPA).

Sa kanyang paglahok sa WCOPA 2026 sa Las Vegas, Nevada, muling ipinakita ni Sorillano na hindi hadlang ang edad sa pagtupad sa mga pangarap. Sa edad na 61, patuloy niyang ipinagmamalaki ang husay ng mga Pilipino at buong pagmamalaking dala ang bandila ng Pilipinas sa pandaigdigang entablado.

Para kay Sorillano, ang kanyang paglalakbay sa musika ay hindi lamang tungkol sa mga medalya at pagkilala. Ito rin ay pagpapakita ng dedikasyon, disiplina, tiyaga, at pagmamahal sa bayan.

Bilang pagpapatuloy ng kanyang misyon na ibahagi ang kanyang talento, magkakaroon si Mel Sorillano ng isang espesyal na concert sa RJBISTRO, Dusit Hotel, sa Setyembre 26, 2026, kasama ang iba pang World Champions at medalists.

***

Cuteness overload! Ibinahagi ng singer-actress na si Angeline Quinto ang kanyang throwback photos sa social media, na agad kinagiliwan ng kanyang mga tagahanga.

Nagbalik-tanaw si Angeline sa kanyang kabataan sa Sampaloc bilang bahagi ng pagdiriwang ng kanyang ika-15 anibersaryo sa music industry.

Sa kanyang post, ibinahagi niya ang kanyang taos-pusong mensahe.

Ani Angeline, “Angie! ‘Yan ang batang ako. Sa simpleng mga larawang ito ay may masaya at malalim na kuwento. Samahan n’yo ako sa ISANG PANGARAP na muli ninyong tinupad. Sa August 22 na ang AQuinse sa Araneta Coliseum. Aasahan kayo ni Angie. Ako ‘yan! Angie ang pangalan ko sa Sampaloc noon! Bata pa lang ako, mukhang makulit na, ‘di ba?”

Samantala, Mas pinatingkad ni Angeline Quinto ang mensahe ng wagas at matatag na pag-ibig sa kanyang bagong single na “Hindi Mawawala,” bago ang kanyang inaabangang 15th anniversary concert na “AQuinse” sa Agosto 22 (Sabado) sa Smart Araneta Coliseum.

Mula sa komposisyon ni ABS-CBN Music creatives, content, and operations head Jonathan Manalo, umiikot ang emosyonal na ballad sa pag-ibig na nananatiling matatag sa kabila ng panahon, distansya, at iba’t ibang pagsubok sa buhay.