Advertisers

Advertisers

Yul Servo sasabak sa Venice International filmfest, may art exhibit pa sa Europe

0 4

Advertisers

Ni NONIE V. NICASIO

MAGIGING aktibong muli sa pag-arte ang premyadong aktor/public servant na si Yul Servo. Kaabang-abang ang pelikula niyang “Makikiraan Po” (Let Us Through, Dear Ancestors), na mula sa pamamahala ng internationally acclaimed filmmaker na si Direk Lav Diaz.

Ang naturang pelikula ay nakatakdang mag-premiere sa 83rd Venice International Film Festival. Bukod kay Yul, tampok dito sina Christian Bables, Ronnie Lazaro, Bart Guingona, Isabel Sandoval, Bong Cabrera, Rafa Siguion-Reyna, Sri Arjhay Babon, Necias Pataunia, at Daniel Palisa.

Thankful si Yul sa pagkakataong ibinigay sa kanya para maging bahagi ng nasabing pelikula.

Anang aktor, “Siyempre, tuwang-tuwa talaga ako sa pangyayaring ito. Actually nga, hindi ko naman iniisip na pang-international ito, e. Hindi ko pa alam noong una, tapos bandang huli ay sinabi nga ni Direk na target niyang isali ito sa Venice International Film Festival at hindi naman natin alam kung makakapasok.

“So ngayon ay nakapasok nga, na parang Batang West Side rin ito, na dinala ako sa iba-ibang bansa, mga festival, na nanalo ako noon ng dalawang Best Actor awards at napupuri ang pelikula natin bilang Filipino.”
Masayang dagdag pa ni Yul, “Ngayon, parang ganoon ulit ang nangyayari noong baguhan pa lang ako, na nagsisimula pa lang sa showbiz. Kaya sobrang thankful talaga ako sa project na ito at kay Direk Lav.”

Sa Batang West Side ay nanalong Best Actor si Yul sa dalawang international filmfest, ang CineManila International Film Festival at sa Brussels Independent Film Festival.

Kabilang sa mga pelikulang nagpamalas ng kanyang husay si Yul ang “Naglalayag,” “Torotot” (Destierro), at “Brutus, Ang Paglalakbay.”

Pinuri at kinilala rin ang performance ni Yul sa Naglalayag at Torotot (Destierro) sa international scene, na nagbigay sa kanya ng Best Actor awards sa Brussels Independent Film Festival noong 2004 at 2008, respectively.

Bilang artist naman, sa pagkakaalam namin, si Yul ang masasabing pioneer at nag-iisang medium ang metal art scuplture sa bansa.

Ang mga obra ni Yul ay makikita next month sa Vienna, Austria, sa group exhibition para sa international audiences sa kanyang sculptural talent na nag-uugat sa cartography, memory, at contemporary metal art.

Ang artistic momentum ng aktor ay magpapatuloy sa kabuuan ng 2026, with group exhibitions sa Nami Art Gallery, Artist Space, at J Studio. Plus, later this year with Directions VIII: Metro Manila City Maps, ang newest installment ng acclaimed series ng cartographic relief sculptures ni Yul.

Bukod sa pagiging aktor at artist, nalaman din namin kay Yul ang kanyang passion sa storytelling bilang radio drama performer sa “Tanikalang Lagot” (Unshackled) sa DZAS 702 AM – FEBC Philippines.

At after eighteen years sa pagiging matapat at masipag na public servant, sa latest na pakikipag-usap namin kay pareng Yul, he is looking forward sa pagiging aktibong muli sa pag-arte, sa pelikula at sa telebisyon.

-30-