Advertisers

Advertisers

Gloc-9, naging konduktor ng jeep bago sumikat

0 4

Advertisers

Ni Anne Venancio

Ibinahagi ni rapper at songwriter Gloc-9 ang mga karanasan niya sa iba’t ibang trabaho bago niya nakamit ang tagumpay sa industriya ng musika.

Sa panayam niya kay Kara David sa “i-Listen,” sinabi ni Gloc-9, na Aristotle Pollisco ang tunay na pangalan, na naging kundoktor siya ng jeepney na minamaneho ng kanyang ama sa Binangonan, Rizal.

Bata pa lamang siya nang tumulong sa paghahanap ng mga pasahero at pagkolekta ng pamasahe. Sa panahong iyon, madalas niyang marinig ang mga usapan at kuwento ng mga pasahero, na kalaunan ay nakaimpluwensiya sa kanyang pagsusulat.

Bukod sa pagiging kundoktor, nagtrabaho rin si Gloc-9 bilang kitchen helper sa commissary ng isang Japanese fast-food chain. Kasama sa kanyang mga gawain ang paglilinis ng garahe, pagtatapon ng basura at paglilinis ng kanal.

Ayon sa rapper, itinuro sa kanya ng kanyang mga magulang na seryosohin ang bawat oportunidad dahil maaari itong humantong sa panibagong trabaho.

Nakatulong din sa kanyang songwriting ang mga karanasang nakuha niya habang naninirahan sa Morong, Rizal, kung saan nakilala at narinig niya ang iba’t ibang kuwento ng mga tao sa kanilang komunidad.

Noong 2003, inilabas ni Gloc-9 ang kanyang unang kanta na “Simpleng Tao.”

Simula noon, naging bahagi ng kanyang musika ang pagkukuwento tungkol sa buhay, karanasan at realidad ng ordinaryong Pilipino.