Advertisers
NAMAGA ang ilong ng isang Grade 8 student dahil umano sa ginawang paghampas sa kaniya ng guro gamit ang yantok na pang-arnis sa San Mateo National High School sa Rizal.
Ang mga magulang ng bata, hiniling sa mga awtoridad na imbestigahan ang insidente kahit humingi na ng paumanhin ang guro.
Ayon sa ama ng estud-yante, napansin niyang namamaga ang ilong ng kaniyang anak noong Miyerkules.
Sinabi ng ama na ikinuwento ng kaniyang anak na sinubukan nitong umalis sa paaralan makalipas ang 6:00 pm dahil nakatakda itong tumugtog ng musika sa isang prayer meeting.
Ayon sa ama, nagalit ang guro nang igiit ng kaniyang anak na umalis, at nauwi sa paghampas ng yantok sa estudyante.
“Nakita ko maga ‘yung kaniyang nose bridge. May tama. Sinabi niya na sa akin. Pinalo siya ng teacher ng arnis,” kuwento ng ama.
Pero hindi umano iyon ang unang pagkakataon na pinalo ng yantok ng guro ang estud-yante.
Sinabi ng ama, na ikinuwento ng kaniyang anak na ilang beses na rin itong hinampas ng guro, kabilang ang insidente na tinamaan siya sa ulo.
Nang tanungin kung ilang beses na siyang sinasabing hinampas, sinabi ng estudyante na hindi na niya mabilang sa buong school year.
Ipinaliwanag ng estudyante na pinili niyang huwag sabihin sa kaniyang mga magulang ang ginagawang pananakit ng guro dahil ayaw niyang madagdagan pa ang problema ng kaniyang mga magulang.
Nais din aniyang mapanatili ang maayos na ugnayan nila sa kaniyang guro.
Iniulat ng pamilya ang insidente sa barangay noong Miyerkules ng gabi. Kinabukasan, nakipagpulong ang pamilya sa guro at sa punong-guro ng paaralan.
Ayon sa ama, sinabi ng punong-guro na ililipat ang estudyante sa ibang seksyon at hindi na papayagang gumamit ng yantok ang guro.
Sinabi ng guro na humingi na siya ng paumanhin sa estudyante at sa pamilya nito, na ginawa sa harap ng admi-nistrasyon ng paaralan.
Tinanggap naman umano ng pamilya ang kaniyang paghingi ng patawad.
Bagama’t sinabi ng paaralan na nagkaroon na ng pagkakaunawaan ang pamilya at ang guro, magpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy kung nasunod ang mga patakaran ng paaralan, kabilang ang Child Protection Policy ng Department of Education (DepEd).
Sinabi naman ng ama na determinado siyang ituloy ang reklamo laban sa guro.
Nakarating narin sa Department of Education ang insidente.
Ayon sa isang opisyal ng DepEd, naisumite na ng paaralan ang kanilang ulat at naghihintay ang division office ng kautusan mula sa regional director bago pormal na simulan ang imbestiga-syon.
Nilinaw ng DepEd Rizal na bagama’t may awtoridad at responsibilidad ang mga guro na disiplinahin ang mga mag-aaral, pero may hangganan ang naturang awtoridad.
Sa ilalim ng DepEd Order No. 40 series of 2012, o ang Child Protection Policy, kinakailangang protektahan ng mga paaralan ang mga mag-aaral laban sa pisikal, sikolohikal, seksuwal, at iba pang anyo ng karahasan.
Hinimok din ng DepEd ang mga magulang na makaranas ng katulad na insidente ang kanilang anak na i-report ito sa mga division o regional office.
Ang mga hindi personal na makapunta sa tanggapan ng DepEd ay maaaring magpa-dala ng reklamo sa childsafe.calabarzon@deped.gov.ph.