Advertisers
Ni Beth Gelena
Hindi man tuluyang nagpapaalam sa entablado, aminado si Asia’s Songbird Regine Velasquez-Alcasid na kailangan niyang tanggapin ang mga pagbabagong dala ng kanyang edad.
Malaking hamon para sa kanya ang “Finale” concert dahil bukod sa pagod at puyat sa paghahanda, nakararanas din siya ng sakit ng ulo at anxiety kapag may major concert. Mas ramdam din niya ang pagbabago sa kanyang boses.
“I went through something like… it’s called the menopause voice. My vocal chords is actually very clean, there’s no polyp, there’s nothing, but somehow, alam mo ‘yung nagka-crack ‘yung boses ko, and somehow, I cannot control the voice,” pahayag ni Regine.
Nagpa-checkup din siya sa Singapore at walang nakitang problema sa kanyang vocal cords. Gayunman, nakita umano ng doktor na may mucus sa kanyang lalamunan at nabawasan ang elasticity nito.
Sa halos apat na dekada niyang singing career, ngayon lang daw niya naranasan ang ganitong pagbabago.
“One day, I woke up and it’s just like my voice was taken away from me. I couldn’t sing, nasisintunado ako,” saad niya.
Tanggap naman ni Regine na hindi na magiging katulad ng dati ang kanyang boses.
“I still have my voice, it never left, it’s just that it’s in a different form so I have to work with what I have now. I can no longer be what I used to be 10 years or 20 years ago. I can no longer sound like that,” paliwanag niya.
Kaya pagkatapos ng “Finale,” mas gusto muna niya ang intimate concerts at collaborations kaysa muling magsolo sa malaking venue. Bukas din siya sa back-to-back concert kasama ang ibang singer at sa posibilidad na madala sa abroad ang “Finale.”
Samantala, halos 40 awitin ang inihanda ni Regine para sa concert, na magkakaiba rin ang song list bawat gabi.
Mapapanood ang “Finale” sa October 17, 18 at 19 sa SM Mall of Asia Arena. Ang tatlong gabi ay sold out na.