Advertisers
NATAGPUAN na nakabalot sa trapal ang duguang bangkay ng isang babaeng kasambahay sa Davao City nitong Linggo.
Kinilala ang biktima na si Shella Lagsaway Han-ay, mula sa Davao Occidental.
Samantalang nasa kustodiya ng pulisya ang salarin na si Nenita Pagatpatan.
Ang salarin, 70 anyos na babaeng amo ng biktima, ang nakita sa CCTV footage habang hinahatak ang bangkay ng kasambahay na nasa trolley.
Sa inilabas na pahayag ng Davao City Police Office, nakita ang bangkay ng 29 anyos na biktima sa isang subdibisyon sa Cabantian, Buhangin sa nasabing lungsod.
Sa pangunguna ng Police Station 5-Buhangin, naaresto ang salarin.
Ayon sa isang saksi, inakala niyang basurang itinapon sa gilid ng daan ang biktima na nakabalot sa trapal.
Sinabi ni Police Major Joenel Paderio, hepe ng Buhangin Police Station, itinanggi ng babaeng amo na may kinalaman siya sa krimen.
Pero may nakitang trolley sa bahay nito gaya nang nakita sa CCTV habang hinahatak ang mabigat na tila bagay na nakabalot sa trapal.
May nakitang sugat sa likod ng ulo ng biktima at sa ilong.
Ang biktima ay may naiwang dalawang anak. Anim na buwan palang itong nagtatrabaho sa salarin.