Advertisers
Nagbigay ng livelihood packages ang Pamahalaang Lungsod ng Caloocan para sa kabuuang 33 parent-beneficiaries sa Bulwagang Katipunan noong Biyernes, Setyembre 29 bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng lungsod laban sa child labor.
Nakatanggap ang nasabing mga magulang ng tulong mula sa City Public Employment Service Office (PESO) sa anyo ng bigasan packages, kumpleto sa dalawang sako ng bigas, weighing scale, at sando bag para sa repacking.
Muling idineklara ni City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang katayuan ng Caloocan bilang child-friendly city at nangakong magiging consistent ang kanyang administrasyon sa pagpapatupad ng mga programa laban sa lahat ng uri ng pang-aabuso sa bata.
“Isang klase lamang po ng abuso sa kabataan ang child labor kaya naman sinisiguro natin na lahat ng karahasan at pang-aabuso ay maiiwasan natin. Marami na po tayong programa at proyektong nasimulan ngunit asahan po ninyo na hindi tayo tumitigil sa pagkilos upang bigyan ng magandang buhay ang mga Batang Kankaloo,” wika ni Mayor Along.
“Nakikita naman natin sa mga pagkilala na natanggap ng lungsod ang ating kakayahan na unahin ang kapakanan ng mga kabataan. Kamakailan lamang, kinilala tayo sa Local Council for the Protection of Children (LCPC) Assessment bilang isang lungsod na may ‘ideal’ rating pagdating sa pangangalaga ng interes ng mga bata,” dagdag ni Malapitan.
Ipinahayag din ni Mayor Along ang kanyang pasasalamat sa PESO at sa mga katuwang nito para sa kanilang pinagsama-samang pagsisikap upang matiyak na maalis ang child labor sa isang holistic at produktibong paraan.
“Isang malaking bagay na po ang mahigpit na pagbabawal nating pagtrabahuhin ang mga bata, ngunit batid din natin na paulit-ulit na mangyayari ito kung wala tayong ibang gagawin. Nagpapasalamat po tayo sa PESO at sa kanila mga partner agencies at companies dahil nasisiguro natin na kayang tugunan ang puno’t dulo ng problemang ito,” pahayag pa ni Mayor Along.
Dati, nasa 100 magulang na ang nakinabang sa paunang pamamahagi ng kabuhayan ng pamahalaang lungsod sa pangunahing pagdiriwang ng World Day Against Child Labor noong Hunyo 23.(BR)