Advertisers
Sa kabila ng mahigpit na kampanya ng National Capital Region Police Office (NCRPO) laban sa illegal gambling, tuloy-tuloy pa rin ang operasyon ng mga kapitalista ng illegal horse racing bookies na mas naging improvised pa ang dating at istilo.
Ika-apat na linggo na ngayon mula ng ibaba ang direktiba ni NCRPO Chief Gen. Jose Melencio Nartataz Jr. na puksain at ihinto lahat ang operasyon ng mga illegal bookies sa NCR.
Napag-alaman natin na naging epektibo ang direktiba ni Gen, Nartataz noong mga una at pangalawang linggo lang na kung saan nagsitigil lahat sa kanilang illegal na gawain ang mga kapitalista ng nasabing sugal.
Nguni’t makaraan ang dalawang linggo, muling nagsulputan ang mga illegal bookies ng karera gamit na ang mas-improvised at makabagong istilo ng pangungubra ng mga taya ng mga bettor ng horse racing.
Kung dati’y puno ng mga mananaya ang mga lugar at pwesto ng illegal na karera, ngayon ay wala ka ng makikita isa man bettor dahil sa naging telephone bet na lang o’ sa telepono na lang dinidiga ng mga bettor ang kanilang mga kursunadang tayaan.
Scientific daw ang naisipang apply ng mga operator at mga kapitalista dahil sa ganitong paraan ay wala nga naman mahuhuling mga tao, wala ring mahuhuling tiket, ruta o’ anumang ebidensiya hinggil sa nasabing sugal.
Ayon sa ilang mga kapitalista, lalaban na rin daw sila ng hulihan at makikipagsapalaran na lang kaysa daw magutom at mamatay ng dilat ang kanilang pamilya at mga mahal sa buhay.
Ipinapalagay nila na bagama’t illegal daw ang trabahong ito ay siguradong tanggap na naman daw ito ng publiko at magsisilbi na lamang isang dibersiyon at libangan ng masa at ng bayang karerista.
Maraming tao rin daw naman ang natutulungan at nabi-bigyan ng hanapbuhay ng sugal na ito sa pamamagitan ng pangungubra. Maliban sa mga kubrador nandyan din ang mga caller, kuwentador at marami pang personnel na lubhang nagutom ng bigla na lamang itong ipatigil.
Sinabi ng isang matandang karerista na ang mga illegal na bookies at mga kubrador ay nag-umpisa daw noong si Arsenio Lacson pa ang Alkalde ng lungsod na kung saan ang city hall ay gawa pa lang sa sawali. Kasabay din daw nito ang jueteng na kung saan may mga kubrador ding gumagala.
Ilan din daw na magagaling at mahuhusay na PNP Chief ang nagtangkang ipahinto ito ngunit hindi nangyari at tuloy pa rin hanggang sa kasalukuyan, bakit nga kaya?
Mai-tuturing na rin daw na bahagi na rin ito ng kultura na nagisnan na ng masang Pilipino. Mantakin mong pwede ng itaya ang piso mo dito.
Dati daw ay nandito lang sa Maynila at Makati ang dalawang pangunahing racetrack na San Lazaro at Sta. Ana nguni’t kalaunan ay nilipat na ang mga ito sa mga probinsiya, mada-dayo pa ba daw nila ito?
Ang mga legal na tayaan naman tulad ng mga off-track ay iilan lang at hindi kayang akomodihin ang libo-libong mananaya kaya ok lang naman ang mga illegal na bookies na ito dahil wala namang nilolokong mga tao.
Ayon sa ilang mga eksperto ay ayos lang naman ang telephone bet dangan nga lang ay pili lang ang bettor na maka-kataya dahil obligadong mag-iwan sila ng hindi bababa sa P2,000 pondo sa kubrador.
Ang mga bettor namang mga piyait-piyait o’ hindi kayang tumaya at mag-iwan ng ganon kalaking pondo ay suma-sabay na lang sa tawag ng mga malalaking bettor.
Nguni’t sa isang dako, ke ano pa ang sabihin, ke ano pa ang dahilan at rason, ang lahat ng ito’y illegal pa rin at may kaukulang parusa ayon sa batas. Wala rin itong rentas o’ buwis na pinapasok sa kaban ng bayan.
Darating din daw siguro ang panahon na mapapag-usapan ito sa kongreso o’ sa anumang legal na forum na kung saan matitimbang ang aspeto ng legal at illegal na dala nito.