Advertisers
IPINAG-UTOS ni Maguindanao del Sur Governor Bai Mariam Sangki-Mangudadatu ang 60-araw preventive suspension laban kay Datu Salibo Mayor Solaiman Sandigan matapos maisampa ang kasong administratibo laban dito.
Nagkabisa ang suspensyon mula Disyembre 28 na nakapaloob sa Administrative Order No. 23-001 series of 2023, ayon kay provincial administrator Cyrus Torreña.
Inilabas, aniya, ni Mangudadatu ang suspension order habang dinidinig ng Sangguniang Panlalawigan ang kasong administratibo laban kay Sandigan, na nagtalaga ng bagong miyembro ng Sangguniang Bayan matapos mapatay ang isang regular na miyembro sa pag-atake ng nakaraang taon.
Inaresto ang 64-anyos na alkalde noong Oktubre matapos itong iugnay sa pagpatay kay Datu Salibo councilor Demson Silongan noong Abril. Ngunit si Sandigan ay binigyan ng pansamantalang kalayaan ng Cotabato City Regional Trial Court.
Sa ilalim ng Local Government Code, ang kapangyarihang magtalaga ng bagong miyembro ng municipal council para punan ang bakanteng upuan ay nasa gobernador ng probinsiya.