Advertisers
Sa pagdinig ng Senado ukol sa pekeng People’s Initiative (PI) na pinamumunuan ni Senador Imee Marcos, nagpahayag ng pagkadismaya si Senator Christopher “Bong” Go sa ulat na pagkaantala ng pamamahagi ng tulong ng gobyerno sa mga mahihirap at mga komunidad na apektado ng krisis.
Ito ay sa gitna ng mga alegasyon na ang mga programa ng DSWD ay ginagamit upang itulak ang People’s Initiative.
“Noong nakaraang mga hearings, lumalabas na nagamit diumano ang mga programa ng gobyerno kapalit ng pagpapapirma sa isinusulong na People’s Initiative… Mistulang nagagamit po ang mga programa ng gobyerno sa pulitika,” ani Go na tinukoy ang Assistance for Individuals in Crisis Situations program ng DSWD.
Nagbabala ang senador sa potensyal na pagsasamantala sa naturang mga programa ng gobyerno para lamang itulak ang mga lihim na motibo ng ilang personalidad kapalit ng mga lagda para sa petisyon ng PI.
“Ang iba sa ating mga kababayan ay hindi alam ang pinirmahan nila at ang iba po’y tinatakpan nga po, pinapapirmahan sa kanila. At lumalabas rin po na may binibigay na coupon na katumbas umano ng ayuda kapalit ang pirma. At sino po ang magbabayad ng pinangakong ayuda? DSWD ba?,” tanong ni Go habang nagpapakita ng mga sample sign-up forms na nagsasaad ng layunin ng petisyon.
Kinondena ni Go ang nasabing gawain sa pagsasabing walang kapalit dapat ang tulong mula sa gobyerno.
Kung totoo aniya ang mga naturang alegasyon, nakalulungkot na ang tulong na inilaan para sa mga kwalipikadong benepisyaryo ay naaantala o nalilihis.
Binanggit din ni Go ang pangako ni DSWD Secretary Rex Gatchalian sa isang budget hearing noong Setyembre na agad babayaran ang mga kuwalipikadong benepisyaryo na nasa validated na listahan.
“Ang sabi po ni Secretary Gatchalian, mag-submit lang ang LGU ng list of beneficiaries at iba-validate at ipi-pay-out ng DSWD ‘yung mga qualified beneficiaries. Ibig sabihin, DSWD ang nagdi-determine kung qualified sila at mahihirap sila,” ani Go.
Ngunit idiniin ni Go na ang status ng pamamahagi ng tulong ng DSWD ay nakabinbin lalo na sa mga komunidad na tinamaan ng kalamidad kahit na-validate na ang mga benepisyaryo.
“Ako po’y naniniwala po kay Secretary Rex na tinutupad niya ang kanyang pangako. Kaya lang po, bawat araw ang lumilipas ay marami pong mga kababayan natin ang nagugutom,” ani Go.
Sa hearing, tinangka ng mga kinatawan ng DSWD na maidikit sila sa People’s Initiative, pero niratrat sila ng mga tanong ni Senator Imee Marcos.
“Bakit ang tagal-tagal, kapag ang mga senador at saka ang LGU ang humihingi? Kapag project PI, mabilis pa kayo sa alas-kwatro,” ani Sen. Marcos.
Dahil dito, umapela si Go sa DSWD na huwag maging selective sa mga tinutulungan.
“Dapat po walang pili ang DSWD sa pagtulong. Ang punto ko — bakit sa pagkalap ng pirma para sa People’s Initiative, meron kaagad ayuda? Samantalang ‘yung mga biktima ng kalamidad noong nakaraang taon, mga mahihirap nating kababayan ay hindi po pinapansin ng DSWD?” kuwestyon ni Go.