Advertisers
KULONG ang isang driver ng pampasaherong van at konduktor nito nang ireklamo ng paulit-ulit na panggagahasa sa 19-anyos na dalagang pasahero nitong Sabado sa Surigao del Sur.
Sa isinagawang hot pursuit operation ng pulisya, nadakip ang mga salarin na kinilalang sina Don Clemente Paje at Tonton Enopia, kapwa nasa hustong gulang.
Ayon kay Captain Markson Almeranez, hepe ng Claver Municipal Police Station, nagtungo sa kanilang himpilan ang biktima na itinago sa pangalang “Nena” para pormal na magsampa ng kasong ‘Rape’ laban sa mga suspek.
Sa salaysay ng biktima sa pulisya, 3:00 ng madaling araw nang maganap ang panggagahasa sa kanya sa loob ng van na nakaparada sa gilid ng convenience store sa Carrascal, Surigao del Sur.
Aniya, biyaheng Tandag, Surigao del Sur ang van, para sana magbakasyon siya sa kanyang pamilya.
Pagbaba ng mga pasahero sa Carrascal, siya na lamang ang natitirang pasahero at sinabi ng driver na maghihintay lamang muna sila ng iba pang pasahero.
Bumaba ang konduktor at pumasok sa convenience store pagbalik nito may dalang alak hanggang sa inubos itong tunggain ng dalawa.
Makalipas ang ilang minuto, nilapitan siya ng suspek at itinali ang mga kamay nito gamit ang t-shirt ng suspek.
Sunod, halinhinan na siyang ginahasa ng mga suspek nang paulit-ulit hanggang sa makarating ito sa kanilang lugar.
Pagbaba ng biktima, tinakot siya ng mga suspek na kapag nagsumbong papatayin siya.
Pero naglakas-loob siyang nagtungo sa barangay para humingi ng tulong at nagpasama sa himpilan ng pulisya.
Agad natunton ang mga salarin at naaresto ang mga ito.
Sa himpilan ng pulisya, humingi ng tawad ang mga “manyakis” sa kanilang nagawa, sinabing nadala lamang sila ng bugso ng kanilang damdamin.