Advertisers
HINIKAYAT ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang mga lokal na pamahalaan na i-report ang posibleng pagtatayo at operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) hubs at scam farms sa kanilang mga lugar.
Ang pahayag ay ginawa ni PAOCC spokesperson Winston John Casio kasunod ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga illegal na POGOs sa Porac, Pampanga kung saan natuklasan sa imbestigasyon ng pulisya ang maraming ebidensiya tulad ng mga computer, cellphone, baril, at bala.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing, sinabi ni Casio na malalaki ang mga illegal na istrakturang ito at biglang itinatayo sa buong bansa na karamihan ay matatagpuan sa National Capital Region, Central Luzon, at Region 4-A (Calabarzon).
Ipinunto ni Casio na mahalaga ang papel ng mga lokal na lider kaya’t importanteng isuplong sa mga awtoridad o sa national government ang mga posibleng illegal na POGOs sa kanilang mga nasasakupan upang mapasara ang mga ito kung mayroon mang silang ginagawang labag sa batas.
Ang PAOCC ay katuwang ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at iba pang yunit ng pulisya sa kanilang imbestigasyon laban sa mga mga scam farms o POGO hubs sa Porac, Pampanga.
Sinabi ni Casio na natukoy na nila ang mga “beneficial owners” at “owners on paper” ng mga illegal na establisyimento pati na rin ang mga torturer at biktima ng mga krimen na may kaugnayan dito.
Aniya, ang mga taong ito ay pansamantalang nakadetine sa Pasay City at sumailalim na rin sa inquest ng Bureau of Immigration (BI). (Gilbert Perdez)