Advertisers
INARESTO ng Digos City Police ang half-brother ng pinaslang na lady prosecutor nang iturong salarin sa pagkamatay nito sa Barangay Aplaya, Digos City, Davao del Sur noong Lunes ng hapon.
Ayon sa mga awtoridad, ang suspek na si Arnel dela Peña, 56 anyos, ay naaresto noon ding Lunes ng gabi kasunod ng hot pursuit operations sa pagkamatay ni Atty. Eleanor dela Peña, na binaril sa loob ng kanyang sasakyan.
Ayon sa Digos City Police, nakilala ang suspek sa pamamagitan ng mga pahayag ng anak ng biktima na si Kenneth de Leon, at ganoon din sa CCTV footage malapit sa pinangyarihan ng krimen at sa paglalarawan ng mga nakasaksi sa krimen.
Inilarawan ng mga testigo ang gunman na nakasuot ng itim na helmet na may letrang “M”, isang kulay asul na hooded jacket, pantalong maong at nakasakay sa pulang motorsiklo, na tumutugma sa hitsura ng suspek.
Sa pagkakaaresto, narekober ng mga pulis ang mga bala, isang itim na helmet na may letrang “M” isang asul na Fila-branded na jacket na naka-hood, at dalawang cell phone.
Sinabi ng Digos City Police na ang posibleng motibo sa pagpatay kay Dela Peña ay “land conflict”.
Inihahanda ng mga awtoridad ang kasong murder laban sa suspek.
Ang biktima ay assistant provincial prosecutor ng Davao Occidental at dating pangulo ng Integrated Bar of the Philippines – Davao City chapter, samantalang ang suspek ay kapatid nito sa ama.