Advertisers
Ni CRIS A. IBON
HINDI pa man nareresolba ang natenggang pagsisiyasat ng Kamara sa operasyon ng ilegal na sugal, gamit na front ang Small Town Lottery (STL) sa CALABARZON, ay ratsada na naman ang talamak na pagnanakaw ng bilyones na kubransa sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na prente ang iniisyung Authorized Account Corporation (AAC).
Ito ay matapos na madiskubre ng Region 4A civic organization na Mamamayan Kontra Krimen at Bisyo (MKKB) ang garapalang operasyon ng STL bookies o jueteng na siniyasat na noong March 2024 ng Committee on Public Order and Safety.
Sa bisa ng Resolution No. 1549 ay siniyasat ng komiting kinabibilangan nina Laguna Representative Dan Fernandez, Rizal Congressman Romeo Acop, House Majority Floor Leader Erwin Tulfo ng ACT-CIS at ipa pang mambabatas ay nadiskubre ang malaganap na operasyon ng STL bookies na hinihinalang may basbas ng ilang opisyales ng pulisya, ilang gobernador, mayor at maging opisyales ng barangay .
Nangunguna sa may pinaka-talamak na operasyon ng STL bookies na nagkakanlong na kunwari ay lehitimong AAC ay ang mga lalawigan ng Laguna, Batangas, Cavite, Quezon at Rizal.
Nagpapanggap ang mga financier ng STL bookies na karamihan ay mga pulitiko, aktibo at retired na police at military officials o kaya ay goons ng pulitiko, barangay kapitan at iba pang barangay leaders na sila ay mga lehitimong AAC upang mapalakas ang loob ng kanilang mga kubrador at kabo na mangubra ng taya sa alegasyong legal ang kanilang operasyon.
Ngunit nadiskubre ng MKKB na mabibilang sa daliri at iilan lamang sa kanila ang naisyuhan ng AAC permit ng PCSO. Sa kada lalawigan ay tig-iisa pa lamang ang naaprubahang permit bilang AAC at sumailalim ng masusing superbisyon at kontrol ng PCSO.
Maliban sa Refresh Gaming Corporation, ang lahat na kapitalistang nag-o-operate bilang AAC sa lalawigan ni Batangas Governor Hermilando “Dodo” Mandanas ay ilegal, na dapat na ipaaresto ni PNP Chief Rommel Francisco Marbil, PCSO General Manager Melquiades Robles at ng mga kongresista.
Dumadaan sa masusing evaluation upang maging isang AAC ng PCSO, rehistrado sa Securities and Exchange Commission (SEC) bilang isang korporasyon at may puhunan na P25 milyon ang aplikante ng AAC. Hindi kukulangin sa may tinatayang 20 requirements o rekisitos ang itinakda ng PCSO upang kunsiderahin ang aplikasyon ng isang nagnanais maging AAC.
Nag-warning din ang MKKB na huwag maniniwalang ang mga sindikatong tulad ng “Big 4” ng Lipa City na sangkot din sa operasyon ng ilegal na droga ay mabibigyan ng AAC. Babala pa ng naturang sibikong grupo na ang “Big 4” ay isang grupo ng sindikato at kailan ma’y hindi isang lehitimo, juridical person o korporasyon na maaaring bigyan ng ‘permit to operate’ AAC ng PCSO.
Pawang nagpapakilalang political allies ni Mayor Eric Africa ang sindikatong “Big 4” na kinabibilangan nina alyas Ana Tomboy, Gary ng Brgy. Sampaguita, alyas Kap Ronald ng Brgy. Sabang, alyas Kap Randy ng Brgy. Sulok, Icaro G. at Macoy ng Poblacion.
May sampung mansyon sa iba’t ibang sulok ng siyudad si alyas Ana Tomboy na iniuulat na taguan ng “Big 4” ng mataas na kalibre ng baril at shabu.
Gayunman tila inutil na walang alam sa operasyon ng naturang sindikato sina Batangas PNP Provincial Director Colonel Jacinto “Jack” Malinao Jr. at Lipa City Police Chief LtCol. Rix Villareal.
Kahit mahina at pangit ang performance ni Villareal sa Lipa City ay ‘di ito matibag ni Mayor Africa at maging ng PNP hierarchy bilang police chief ng naturang siyudad.
Pugad din ng pinaka-malaking monte joint na ino-o-operate ng isang Lopez ang T.M Kalaw Street sa Brgy.3 ng naturang lungsod, bukod pa sa may ‘di kukulangin sa 20 sakla den na nag-o-operate sa ibat ibang barangay na pinatatakbo ng isang bagitong pulis.
Paliwanag pa ng MKKB, hindi rin nagbigay ang PCSO ng permit bilang AAC sa ilang kapitan ng barangay, goons o kaya ay alyado sa pulitika ni Tanauan City Mayor Sonny Collantes.
Ang mga matutunog na pangalan ng STL bookies operator sa Tanauan City na nagkakanlong din bilang mga AAC ay kinilalang sina alyas Jr. Biscocho, Ablao at Melchor ng Darasa, alyas Kon. Burgos ng Boot, Gerry ng Balele, Ms. Cristy. Ms. Bagsic ng Santor, Lawin ng Pantay na Bata, Montilla na bukod sa pagpapatakbo ng STL bookies ay operator din ng mga saklaan kasosyo sina alyas Ocampo at Badoy sa Bagbag, Altura, Poblacion at iba pang barangays.
Si alyas Ocampo din ang nagmamantine ng kunyari ay AAC operation sa 13 barangays katulong ang local government employees ni Balete Mayor Wilson Maralit na sina Jeff at Deo. Rebisahan ng mga ito ng taya sa STL bookies ang mga barangay ng Malabanan, Sala, Makina, Magapi at Looc.
Liban kay alyas Ocampo, may 34 iba pang drug/gambling operators sa hurisdiksyon ng bagong Tanauan City Police Chief, LtCol. Ronie Siriban, na kinilalang sina Anabel, Lilian at Rodel ng Brgy. Sambat; Llanto, alyas Gerry T. Trapiche ng Brgy. Trapiche at Dexter, Lito, Berania at iba pa.
Ang mga bookies operation sa bayan ng Padre Garcia ay pinatatakbo ng dating mga kristo ng sabungan at tupadahan na isang Tisoy at Nonit, sa Lemery at San Luis ay isang Ricalde, Laurel ay ang pulis na alyas Enca, at Kap Borce, Balete ay Ocampo, Calaca ay Jr. Biscocho, Lian ay Triple J, Tuy ay si Jap, at Nasugbu ay si alyas Willy Bokbok.
Si Bokbok din ang operator ng may 10 sakla den sa Poblacion Nasugbu at iba’t ibang barangay ng naturang bayan na ang ipinagmamalaking kasosyo ay ang kanyang alkalde. Ginagamit din nitong sangkalan sina Congressman Joseph Eric Buhain at Nasugbu Police Chief Lt. Col. Ruel Lito T. Fronda.
Higit pa sa P5 milyon ang kubransa ng taya kada STL draw sa 11:30am, 430pm at 9:30 ng gabi.
Bukod sa mga siyudad ng Lipa at Tanauan at mga nabanggit na bayan ay may mga nag-o-operate din ng STL bookies gamit na prente ang kunwari ay PCSO ACC sa Sto. Tomas City, Batangas City, Malvar, Bauan, San Juan, Balayan, Ibaan, Calatagan, Sta. Teresita, Cuenca, Alitagtag, Talisay, Mabini, San Nicolas, Agoncillo, Balete, Lobo at San Pascual na milyones din ang inaabot ang kubransa.
Sinabi ng MKKB na nakahanda rin silang pangalanan ang grupo ng mga maimpluwensyang gambling operator sa mga naturang siyudad at bayan.
Binatikos pa ng MKKB ang pagbibigay ng proteksyon sa mga naturang ilegalista ng mga nagpapakilalang kolektor ng “timbre” sa tanggapan ng NBI Regional at Batangas District Office. Ang mga ito ay kinilalang isang barangay chairman at isang Balay, na maging ang opisina ni Director Jaime Santiago ay ipinangongolekta rin ng lingguhan na daang libong payola upang ‘di bulabugin ang illegal gambling operations ng mga nabanggit na ilegalista.