Advertisers
Arestado ang dalawang lalaki nang pagnakawan ang ATM machine sa loob ng isang mall sa Iloilo City noong Huwebes, Oktubre 10.
Ayon kay Police Capt. Sheila Mae Sangrines, tagapagsalita ng Iloilo City Police Office, nakakulimbat ng aabot sa P340,000 pera ang dalawang suspek na kinilala sa alyas Jun Jun, 37; at Rap, 39, nang ransakin ang isang E-Tap Machine sa loob ng Atrium Mall sa Barangay Danao ng nasabing lungsod.
Base sa ulat, isang imbestigasyon ang isinagawa ng Police Station 1 ng Iloilo City Police Office at nag backtrack ng mga CCTV footages kung saan nakilala nila ang isa sa mga suspek na si Junjun at ang sasakyan ginamit nito.
Makalipas ang ilang oras, nakita nila si alyas Junjun lulan ng kanyang kotse dahilan ng pagkakaroon ng maikling habulan hanggang sa makorner ng pulisya ang sasakyan ng suspek at madakip ito.
Inginuso naman ni Junjun si Rap na siyang kasama nitong nagnakaw sa ATM machine dahilan upang ikasa ang follow up operation at nadakip si Rap sa bayan ng Oton.
Hindi na nabawi ng buo ang ninakaw na pera ng mga suspek na ngayon ay himas rehas na sa Iloilo City Police detention cell.