Advertisers
Nagtapos na ang isinagawang search and rescue operation sa Barangay Iruhin West, Tagaytay City nang matagpuang lahat ang apat na biktima ng pagguho ng lupa sa kasagsagan ng malakas na ulan sa isang construction site sa Sitio Cabangaan, Silang na boundary ng Tagaytay City, Cavite nitong Huwebes Hulyo 24, 2025.
Ayon sa Cavite Police Provincial Office (PPO), 10:00 ng umaga nang bumagsak ang isang perimeter wall sa lugar ng konstruksyon, dahilan upang matabunan ng lupa at debris ang baraks ng mga construction workers.
Kinilala ang mga biktima sa kanilang mga alyas na Jose, Nonong, Armond, at Mark, pawang mga residente ng Brgy. Iruhin West ng Tagaytay City.
Sa unang araw ng operasyon, isa sa mga manggagawa ang ligtas na nailigtas at agad dinala sa Ospital ng Tagaytay. Isa naman ang kumpirmadong nasawi noong parehong araw.
Pagsapit ng tanghali ng Hulyo 25, matagumpay na narekober ang dalawa pang nawawalang biktima.
Maayos na isinagawa ang retrieval operations at ayon sa pagsunod sa disaster response protocols.
Nagpaabot ng kanyang pasasalamat si PCOL Ariel R. Red, Acting Provincial Director ng Cavite PPO, sa lahat ng tumulong sa operasyon at muling tiniyak ang paninindigan ng kapulisan sa kaligtasan at kapakanan ng mamamayan sa panahon ng sakuna.
Pinapayuhan ang lahat na iwasan muna ang paglapit sa lugar ng landslide dahil nananatiling delikado ito. Ang pagpunta sa site ay maaaring makasagabal sa clearing at safety inspection operations.(Koi Laura)