Advertisers
NANATILING tahimik si Pasig City Mayor Vico Sotto hinggil sa mga paratang laban kay Rep. Roman Romulo ngunit binatikos niya ang mga kontraktor na sina Curlee at Sara Discaya dahil sa hindi tugmang pahayag at kasinungalingan sa kanilang testimonya sa harap ng Senate Blue Ribbon Committee.
Kasama si Romulo sa mga mambabatas na pinangalanan ng mag-asawang Discaya na umano’y nakatanggap ng pera mula sa kanilang infrastructure projects.
“Obviously there are congressmen, DPWH officials, and contractors who are guilty. But the Spouses Discaya are clearly angling to become STATE WITNESS. Para di sila makulong. We know they are capable of lying (just go back to their campaign period videos and posts),” ayon kay Sotto sa isang Facebook post.
Tinuligsa ni Sotto ang mag-asawa dahil sa magkasalungat nilang pahayag tungkol sa kanilang umano’y kinikita na inilabas sa pagdinig sa Senado.
“Yung pinaka obvious na lang munang halimbawa ng kasinungalingan. Sabi ni Mistermind Curlee ‘2-3% lang’ ng contract cost ang kita nila kada project. ‘Swerte na’ daw kung 5%. Sa ibang project lugi pa daw sila (wow),” wika ni Sotto.
Sinabi pa niya na hindi tugma ang pinakahuling testimonya ni Curlee Discaya sa nauna nitong pahayag sa isang panayam na sila’y bilyonaryo at may “11 digits” na assets o hindi bababa sa ₱10 bilyon.
“Presidente na mismo ang nakakita sa ghost project nila. Sinong gagawa ng ganun kalaking krimen para sa 2-3% na kita? Wag tayong magpauto sa mga paawa effect nila… Wala daw silang magawa?” diin pa ni Sotto.
Binalaan ng alkalde ang publiko na mag-ingat sa naratibong itinutulak ng mga Discaya, na tinawag niyang “half-truths aimed at misleading the public.”
“The challenge is now how to sift through the half-truths and attempts to mislead us, not only of the spouses Discaya but of everyone involved. May we be vigilant and discerning,” sabi pa niya.