Advertisers
NAGLABAS ng ‘show cause order’ ang Land Transportation Office (LTO) laban sa hepe ng LTO Taal Extension Office kaugnay ng nag-viral na larawang kuha sa kanya na walang suot na helmet habang nakasakay sa motorsiklo.
Binigyan ang opisyal, na kinilalang si Gilda E. Zubia, ng limang araw para magsumite ng paliwanag kaugnay nito.
Lumabas sa imbestigasyon ng LTO Calabarzon na si Zubia ang nasa larawan, matapos magsagawa ng beripikasyon sa naturang post.
Dahil dito, agad siyang inalis sa puwesto upang hindi maapektuhan ang isinasagawang imbestigasyon.
Ayon kay LTO Calabarzon Regional Director Elmer Decena, hindi dapat palampasin ang anumang paglabag, lalo na kung opisyal mismo ng ahensya ang sangkot.
Giit ng opisina, dapat sundin ng lahat ang batas-trapiko at walang sinuman ang dapat mauna o maging exempted dito.