Advertisers
NATAGPUAN ang katawan ng nawawalang pulis sa loob ng septic tank sa isang residential compound sa subdivision sa Malolos City, Bulacan.
Kinilala ang biktima na si Staff Sergeant Renato Casauay Jr., 46 anyos, ng 1026 Aldama St., Barangay Sta. Barbara, Baliuag City, nakatalaga sa Police Regional Office 3 – Drug Enforcement and Special Operations Unit.
Sa report na ipinasa ni Malolos City Police chief Colonel Rommel Geneblazo sa Bulacan Provincial Police Information Office, sa bisa ng search warrant madaling-araw ng Enero 31 nang pasukin ng mga opertiba ang bakuran ni alyas “Sampol”, anak ng isang peryodista, sa Golden St., Felicisima Village, Barangay Mojon, Malolos City, at nakita sa loob ng septic tank ang katawan ng nawawalang pulis.
Narekober din ng joint teams mula sa Malolos City Police, sa pakikipagtulungan sa iba pang provincial at regional police units at tauhan mula sa Baliuag City Police, ang helmet at Givi box ng biktima.
Ayon sa report, umalis ng bahay si Casauay sakay ng motorsiklo Enero 24 patungo sa Malolos City.
Iniulat na nawawala si Casauay Enero 25 matapos ‘di makauwi ng bahay.
Sa imbestigasyon, nakita na nagtungo si Casauay sa bahay ng kanyang kaibigan sa Felicissima Village.
Nakipagkita rin si Casauay sa iba pang kakilala kabilang si Julian Salamat at siyam iba pang indibidwal.
Sa inisyal na report, isang alyas Mark ang umano’y nakunsensya at itinuro sa mga pulis kung saan itinapon si Casauay, matapos barilin ng asset nito na si Julian Salamat alyas “Mon” nang magkapikunan.
Ayon sa pulisya, iniulat ng saksi na nagtungo si Salamat sa bahay nito noong Biyernes at umamin na siya ang pumatay SSgt. Casauay, Jr.
Ipinaalam ito ng witness sa mga awtoridad.
Batay sa salaysay, binaril ni Salamat si Casauay nang hindi matuwa sa biro ng huli na ipinahiya umano ito sa grupo.
Samantala, naging pahirapan ang pagtungkab sa takip ng septic tank dahil bagong cemento lamang ito, na matatagpuan sa likod ng kubo na kawayan na pag-aari ni alyas Sampol.
Sa hot pursuit operation ng pulisya, agad nadakip sina PCpl. Vivencio Abalos; Oliver Paul Mauricio, 32, dati nang nasangkot sa illegal na droga noong 2023; alyas Bin, at alyas Nick; habang kinilala ang sinasabing sangkot sa krimen na sina Julian Salamat, gunman; Orlan Mauricio, at 8 Jonh-does.
(Thony D. Arcenal)