Advertisers
NANANATILING mailap sa batas ang negosyanteng si Atong Ang sa kabila ng hindi bababa sa 20 operasyon ng pulisya na ang ikinasa sa iba’t ibang panig ng bansa mula pa Enero ng taon.
Ito ang kinumpirma ni Jose Melencio Nartatez Jr., hepe ng Philippine National Police, sa isang press briefing sa Camp Crame nitong Lunes, Marso 2.
Ayon kay Nartatez, paulit-ulit nang sinalakay at ininspeksiyon ng mga awtoridad ang mga ari-arian at umano’y pinagtataguan ni Ang.
Saad pa ng PNP chief, hindi lang dalawang beses kundi tatlong beses pa nilang binisita o ni-raid ang nasa 20 lugar.
Dagdag pa niya, maging ilang isla sa bansa sinuyod narin ng mga operatiba upang tiyaking wala roon ang puganteng negosyante, nguni’t negatibo ang resulta.
Hindi pa ibinunyag ng PNP kung saan eksaktong naghahanap ang mga pulis, subali’t ayon sa naunang pahayag ng Criminal Investigation and Detection Group, nakatuon ang operasyon sa Metro Manila, Central Luzon, Calabarzon at Bicol Region.
Kaugnay nito, sinabi ni Nartatez na tinitingnan nila ang mga kaibigan ni Ang na posibleng tumutulong sa pagtatago nito.
Sa katunayan, mayroon na aniyang mga isla dito sa Pilipinas na may presensya na ng mga pulis na manghuhuli kay Ang sakaling makumpirma ang lokasyon nito.
Nahaharap si Ang sa kasong kidnapping kaugnay ng pagkawala ng hindi bababa sa 34 sabungero mula 2021 hanggang 2022.
Samantala, puspusan din ang pakikipag-ugnayan ng PNP sa kanilang international partners sakaling napunta sa ibang bansa si Ang at gumagamit ng ibang pangalan.
Ganito rin ang kanilang sistema sa iba pang pugante tulad ni dating BuCor chief Gerald Bantag, dating Cong. Zaldy Co at tatlong executive ng Sunwest. (Mark Obleada)